‘Di Na Natuto
Apo Jim, pagamit lang sandali ng title ng kantang sinulat mo para kay Pareng Gary.
Di ko na lang kasi maintindihan, eh. Siguro nga, ang Pinoy likas na makakalimutin. In a way, minsan, maganda yan. May mga kasalanan sa atin na talagang napatawad na at kinalimutan na. Ikanga, bawal maging magsasaka (kasi ang magsasaka, mapagtanim… ok?)
Kaya lang minsan iniisip ko rin, detrimental din sa atin, eh. Tulad na lang sa pulitika, parang lahat ng pinaglaban natin sa EDSA Uno nawala at nabaon na lang sa limot. Kasi tingnan nyo naman kung sino na ang mga nakaupo sa gobyerno. Mas malala pa ang korapsyon ngayon kesa nung panahon ni Makoy. Dati si Marcos lang ang nangongorap, ngayon ebribadi hapi – magmula kataas-taasan, at ang lahat ng mga kamag-anakan nila, hanggang sa pinakamaliit na pulis pangkalawakan. Lahat kanya-kanyang kotong, kanya-kanyang umit, nagkakaiba lang sa laki. Ang utang ng Pilipinas, hindi na lang kaapu-apuhan ko ang magbabayad, mga apo ng apo ng apo ng apo ng apo (*hingal*) ko na. And still, hindi pa rin ending.
Katulad na lang ng nangyaring Ondoy at Pepeng na trahedya. Eto ha, ilang araw ko nang pinag-iisipan at tinatanong-tanong – bukod sa napakaduming basura, bakit sandamakmak ang putik na kahalo ng tubig-baha? Mapapansin nyo ito sa mga bumahang lugar sa Rizal at mga katabing probinsya. May napanood pa ako sa TV na ang sabi ng isang lalaki, dati-rati pa naman raw na bumabaha sa lugar nila, hindi na nila masyadong iniinda yun. Ang kaibahan lang raw ngayon, mas mahirap linisin kasi nga may kasamang makapal na putik ang baha.
Kung may kasama nang lupa, ibig sabihin nun, galing yung lupa sa mga bundok. At kung sumasama sa tubig-ulan ang lupa, ibig sabihin nun, hindi na sila napipigil ng mga puno. Dahil wala nang mga punong sasalungat pa sa pag-agos ng lupa.
And at this point, naiisip ko ang nangyari sa Ormoc nung 1991. May nakakaalala pa ba sa trahedyang yun? Yung flash flood na dala ng bagyong si Uring na pumaslang ng 5,000 tao at umabot ng $12M ang damages sa bayan ng Ormoc sa Leyti? Diba ang sabi ng mga environmentalist, ang isa raw sa pinakamalaking sanhi ng flash flood ay dahil sa mga denuded na mga forest sa paligid ng Ormoc. At bakit nakakalbo ang mga gubat? Dahil ang mga lintek na mga tumatagpas ng mga puno dun, hindi nagtatanim muli ng mga bagong puno pamalit sa mga pinutol nila.
Sabi ng gobyerno nun, gagawin raw nila ang lahat para hindi na mangyari ulit ang nangyari sa Ormoc. As in, halos sinumpa ang mga illegal loggers at mistulang ipapakain pa nila ng buhay sa mga buwaya ang tema ng mga speeches nila nun.
Labing-walong taon pagkalipas ni Uring, wala pa ring nangyari. Sa aftermath ni Ondoy at Pepeng, eto na naman ang mga pulitiko, sinisisi na naman ang mga illegal loggers. Deforestation daw ang dahilan kung bakit lumaki ng ganun ang nasalanta ni Ondoy. Sunod ang mga basura. Ang hindi pag-respeto sa paligid. Yung sinulat ni Marcos de Guzman, Jr. sa Philippine Daily Inquirer nung October 9, 2009, eh yun din halos ang blueprint na sinabi ng gobyernong gagawin nila sa nangyari sa Ormoc (plus-minus a few pointers).
Mahirap kasi sa atin, napaka-reactionary ng majority ng Pinoy. Hangga’t hindi nauumpog, hindi kumikilos. Aminado ako dyan. Ako man, ganun. Pero minsan, dahil na rin dyan, nakakalimutan na rin natin ang mga obligasyon natin sa bawa’t isa at sa bansa natin. Ang mga nakikitang pang-aabuso sa kalikasan, nagbubulag-bulagan. Ang mga naririnig na pangungurakot, pasok sa isang tenga, labas sa kabila. Magniningas-kugon sa mga gawain, kulang sa follow-thru. After awhile, ni sundot, hindi na gagawin.
Ilang beses na bang may mga nangyayari sa Pinas na kahit na anupaman – intriga, kontrobersiya, scandal. Makikita mong masyado tayong nagpapaka-passionate sa mga nakikita at naririnig natin. Parang ang laki-laking kasalanan na ulitimo hanggang Senado nakakarating pa. (Hello, Hayden Kho. Ano na nangyari sa kaso mo?) Pagkatapos, kapag nakakita ng bagong pagkaka-abalahan, ng bagong pagkukuhanan ng pogi-points, nakakalimutan na ang pinagkakaguluhan kahapon. Nababaon na sa limot.
Kaya siguro ang mga nangongorap na mga pulitiko sa atin, nakakawala. Kasi maigsi ang attention span nating mga Pinoy. Masyado tayong natutuwa sa novelty of an idea pero madali rin tayong magsawa.
Kapag nagbabasa ako ng mga articles tungkol sa Ondoy at Pepeng, inaabangan ko kung mababanggit man lang sa mga articles ang nangyari sa Ormoc. Sadly, hindi ko napansin na nakitaan nila ng parallelism ang mga trahedya. Kaya naiisip ko, Apo Jim, ‘di na tayo natuto talaga… ever.
Pero sawa na rin akong magreklamo na lang lagi. Sawa na ako ng puro na lang ako satsat. This time around, gusto ko, may gawin na ako. Pero ayoko lang ng magdodonate ng pera, tapos, tapos na. Gusto ko ng active participation. Kung may alam kayo na pwedeng salihan remotely na pang-Pilipinas, sabihan nyo naman ako. O ituro nyo sa akin ang website. Siguro, oras na para umaksyon na rin ako. Dapat may gawin na. Sabi nga ng mga taga-peyups, “kung hindi ngayon, kelan pa?”
(Nakita 21906 beses ng 2951 bisitors)

Very good post, Ate Sienna.
Kailan kaya talaga magigising ang mga Pinoy??
‘Di na talaga natuto.
Minsan nakakasawa na rin at nakakapika na…pero bakit na ba ako aayaw or mag-give-give-up habang marami pa rin nahihirap o naghihinagpis sa mundo? Hinde kaya ng konsensiya ko.
kahit naman sinong may pagmamahal sa bayan nila, siempre care nila kung ano mangyari. hindi naman natin maaalis yun kasi dito tayo pinanganak… dito namuo ang ating pag-iisip, dito yumabong ang pagkatao natin.
hindi natin talaga pwedeng iwanan ang pinas.. kahit na gaano na tayo kalayo physically sa kanya. it just won’t happen, and we’d refuse for that to happen.
kasi nga mahal natin ang pinas :)
gising naman tayo. kadalasan lang, ayaw nating magising sa ating kamulatan. wala tayong gaanong patience. napapagod kaagad tayo. pero marami ring nagsasabing “kung doi ngayon, kelan pa,” maliban sa mga taga peyups. marami ring sumisigaw ng “bayan, bayan, bayan ko…di pa tapos ang laban mo!” at mas marami ang naninindigan na tuloy lang ang laban…hanggan…
i think alam naman natin talaga, sister. kaya nga tayo nagrereklamo kasi aware tayong may ganitong nangyayari. kaya lang, minsan siguro, out of desperation or minsan nafe-fed up na tayo at hindi na natin malaman talaga kung sino ang corrupt at hindi, parang feeling natin, wala na tayong magawa.
minsan kasi feeling ko, parang tahasan na at sobrang pakapalan na talaga ng mukha ang ibang nangongorap. kahit harap-harapan, wala nang takot.
ganun na ba talaga nila hindi nirerespeto ang taong bayan? o baka nga kasi iniisip nila, makakalusot at makakalusot rin naman sila dahil sawa na at jaded na ang taong bayan?
Malamang yun rin ang naisip ni Efren Penaflorida kung kaya’t ginawa nya yung outreach program para sa mga batang kapuspalad. Siguro isa sa pinakasimpleng pwede nating gawin ngayon ay tulungan syang manalo sa CNN Heroes para makakuha sya ang pondo sa kanyang mga proyekto…
Di ko lang sya binoto, papa, naglagay pa ako ng widget nya sa blog ko! Sana nga manalo sya…