63/365 days of blogging.

Thank you, Newsflash.org

(Eksena magmula kagabi ng 9:00 pm)

*Tunog ng doorbell*

Pumasok sa loob ng bahay si Bossing na nakabusangot ang mukha at naka-hukot ang likod at hindi pantay ang balikat.  Imaginine nyo si Hunchback of Notre Dame, ganun ang itsura nya.

“O, ano nangyari sa iyo?”  Tatawa-tawa pa ako sa kanya ng pinagbuksan ko sya ng pinto.

“Mylaaaabbssss… ang sakit-sakit ng likod koooooo!!!  IISSSSSHHHHHH”  Nakangiwi na nyang sabi sa akin.

Hindi na bago sa akin itong mga ganitong eksena kay bossing.  Kapag inaatake kasi sya ng arthritis nya dahil sa psoriasis nya, talagang matindi ang sakit na nararamdaman nya.  Isip ko, hindi na naman kasi sya nakainom ng gamot nyang Voltaren kasi nga buong araw syang wala at bumibyahe.  Pero ngayon lang yun na sa may leeg at likod na balikat nya ang nirereklamo nya.  Madalas kasi  yan either sa tuhod nya o sa mga sakong nya ang sakit.

Kaya pagkakain namin, hindi voltaren ang ininom nya kundi yung isang pain reliever na gamot.  Mind you, hindi yun basta-bastang Alleve o Tylenol o Motrin lang.   Matapang-tapang na rin yun kasi prescribed yun at hindi basta-basta binibigay yun ata kung makikita ng doktor na may tendency kang maging drug dependent.  May prescription si Bossing nun, pati yung isa pang mas matindi dun, in the extreme cases na matinding-matindi ang sakit ng arthritis nya.

So since hindi naman sanay si bossing sa mga gamot na ganun, madalas yan, pinapahiga ko na sya at binabantayan na kapag umiinom sya nun.  In fact, hindi sya pwedeng umiinom ng mga gamot na yun kung wala ako sa bahay kasi may tendency syang mag-hallucinate at ma-praning.  As in, literally, napa-praning sya – fear trip talaga.

Unfortunately, kagabi, sa kasamaang palad, matindi ang tama ng arthritis nya.  Hindi sya mapakali, hindi nya malaman kung paano syang pupwesto.  Twing gagalaw sya, maya-maya, sisigaw sya sa sakit.  Kapag nakapwesto na sya, bumilang ka lang ng sampu, gusto na naman nyang umikot kasi hindi raw tama ang higa nya.  As in, ibig nya sigurong sabihin, hindi sya makumportable. Kasi nga sa may leeg/balikat nya ang sakit hirap syang makahanap ng pwesto. Maya-maya, iiyak na sya – sa sakit, sa pagod, at siguro sa inis na hindi nya malaman kung paano ang gagawin nya para makatulog.  At maya’t-maya, tatayo at pupunta sa banyo.  Mga ilang segundo pagkatapos, maglalakad-lakad sa paligid ng kwarto.  Mamaya, uupo dahil hindi raw sya makahiga, magpupulupot ng tuwalya at iiikot sa leeg nya na parang neck cushion tapos uupo sa wicker chair sa kwarto at mapipikit na. Pero bumilang ka ng ilang segundo, tatayo na naman sya at maglalakad-lakad ng paika tapos iiyak na naman – sa sakit, sa inis, sa antok at sa gamot.  Minsan pa, kapag akala mo nakakatulog na sya, sisigaw na naman sya – nagsa-spasm na sya.  Kaya magigising na naman sya.

And all these time, andyang aalalayan ko syang tumayo galing sa pagka-upo, tutulungan ko syang mag-pwesto ng mga unan para suportahan ang likod o ang balikat nya.  Andyang, kumuha ako ng tubig sa kusina kasi nauuhaw daw sya.  O mamasahihin ang balikat nya ng muscle rub ointment para medyo mawala ang sakit.  O ibabalot ng wrap yung kinuha nyang yelo sa fridge at ilalagay sa balikat nya pagkatapos susuutan sya ng sweatshirt.  Tapos tatanggalin na naman ang wrap dahil sobra na raw lamig ng yelo – sa loob ng sweatshirt.  Pipikit akong konti pero siempre hindi ako makatulog ng husto kasi alam ko gising sya.  Na kapag nakaupo sya sa wicker chair, kailangan gising ako kasi ayokong half-asleep sya at walang nagbabantay sa kanya.  And para hindi ako makatulog, kailangan nakaupo na rin ako sa kama, tinitingnan sya madalas at manunuod ng TV para hindi ako antukin.

May mga dialogue pa syang, “mylabs, bababa ako sa basement, hahanapin ko ang insurance ko.”  Na siempre, pipigilan ko at sasabihin ko, “bukas na.  Pahinga ka lang dyan. Magpa-kalma ka lang para gumana na ang gamot.”  Alam ko, mahirap yun.  But I think he has to hear na kalmado lang ako and I have the situation under control para hindi na sya mapraning pa lalo.

Ilang beses din na tumayo ako at sasabihing dadalhin ko na sya sa ER pero aayaw sya.  On hindsight, ayaw ko rin syang dalhin sa ospital na medyo drugged sya kasi baka mas lalo pa kaming mapahamak sa kalye – at madaling araw pa naman yun, malamig pa sa labas, ang daming pwedeng mangyaring masama.  Pero kung hihingin nyang magpadala sa ER, nagreready akong gagawin ko yun.

Pagdating ng alas tres ng umaga, 6 na oras magmula ng pumasok kami sa loob ng kwarto at una syang uminom ng gamot, nanghingi sya ulet ng isa pang tableta.  Masakit na masakit na raw.  So since naka-anim na oras na, binigyan ko na sya ulet pagkatapos nyang kumain ng isang slice ng tinapay.  Maya-maya, nagbalot na naman sya ng kanyang “neck cushion” at dun daw sya matutulog sa sofa.  Nung una, ayaw ko kasi malamig sa labas, pero nakiusap syang, dun na lang daw.  Naisip ko, malambot ang sofa, at kukumutan ko na lang sya, para buong likod na rin nya ang nakalapat.  Pumayag na ako pero nagdala rin ako ng sarili kong kumot at dun ako pumuwesto sa loveseat.  Nakaharap sa kanya para nararamdaman ko pa rin sya kung tumayo sya.

At awa ng Diyos, for the first time the whole night, maya-maya, nakatulog na sya.  Nakaupo man, pero naririnig ko na syang humihilik.  Hindi pa rin ako natutulog ng husto.  Naghintay pa ako ng mga 15 minutes pa siguro, just to make sure na diretso na ang tulog nya saka lang ako talagang bumigay sa antok ko.  Mag-a-alas kwatro na ng umaga.

Alas syete y medya ng umaga kanina, nagising ako at chineck ko agad si Bossing.  Tulog pa rin at nakaupo pa rin sa sofa.  So naka-apat na oras na rin sya ng dire-diretsong tulog.  Di ko alam kung gigisingin ko sya dahil baka naman pati likod nya eh sumakit o pababayaang matulog pa.  Mas nanaig sa akin yung awa kaya pinabayaan ko na lang syang matulog pa ng mas matagal at feeling ko, antok pa rin kasi ako.

Kuha sa Ospital

Mga isang oras pa, nagising na sya.  Masakit pa rin ang balikat.  Inalalayan ko syang dun na sa kama mahiga at baka nga kasi sumakit pa ang likod, mas lalaki pa ang problema.  Pagdating sa kwarto, hindi naman sya makahiga pa rin.  Pag upo nya sa wicker chair, sumandal na sa akin at sabi ng sabi na ang sakit-sakit pa rin ng balikat nya.  Pinahiran ko sya ulet nung muscle rub at minasahe ang leeg at balikat nya.  Matagal kaming nakapwesto ng ganun – magkaharap at nakasandal ang ulo nya sa dibdib ko at minamasahe ko ang leeg at balikat nya.  Maya-maya sinasabi na nya sa akin na parang mataas ang BP nya.  Sure enough – 180/100.  Kumuha ako ng bawang, mini-crowave at gumawa din ng toasted bread para kainin nya kasama ng bawang.  Maya-maya kinunan ko sya ulet – 160/100.  Maya-maya sinabi ko, “punta na tayo ng ER.”  Aayaw pa sana pero nung sinabi kong, “ikaw rin, pag tumumba ka dito or what, hindi kita mabubuhat.”  Nag-isip siya at pagkatapos sinabi, “ok…”

Umo-o na sya.  Yun na ang huling proof na talagang masakit na masakit ang nararamdaman nya at nararamdaman nya yung need for it – pumapayag na syang magpunta ng ER.

Sa ospital, 160/90 na ang BP nya, medyo ok na raw sabi ng nurse pero mataas pa rin.  Pinag-X-ray sya ng doktor para malaman kung saang parte ang sakit at para maconfirm kung ano nga ang sakit nya.  Pagkatapos ng X-ray, confirmed – psoriasis arthritis sa C3/C4/C5 ng spine nya (o C2/C3/C4 ba yun?? Basta, maraming C’s).  Binigyan kami ng bagong reseta ng pinakamatindi nyang gamot.  Sinabihan na wag magdrive habang nakainom ng gamot (duh!) at wag iintaying grabe na ang sakit bago uminom, otherwise, hindi na gagana ang gamot.   Mag-a-ala-una na ng tanghali.  Tumawag na sya sa trabaho na hindi na sya makakapasok ngayong gabi.

Bumili na kami ng gamot at dumaan kami ng Filipino store para bumili ng isda na ulam.   Kumain na kami ng tanghalian at pagdating ng alas dos ng tanghali, pagkatapos nyang uminom ng gamot, pinatulog ko na sya.  Sa awa ng Diyos, tulog sya kaagad.  Medyo umuungol at nagsasalita sya habang tulog, epekto ng gamot yun, pero tulog.  Hindi ko pa rin sya hinihiwalayan kasi nga nagsasalita at medyo restless ang tulog nya kasi pagising-gising pa rin sya pero hindi na sya umiinda ng sakit.  At mahaba naman ang duration ng tulog nya.

Nung kasalukuyang bumibili kami ng gamot at pagkain, nag-usap kaming mag-asawa.  Napagusapan namin na may mga bagay na talagang hindi na nya pwedeng gawin – isa na dun ang pagbyahe na matagal na hindi sya makakatayo o makakapag-stretch ng madalas.  Ok pa nga ang eroplano kasi every so often pwede kang tumayo at maglakad basta hindi naka-fasten seatbelt sign.  Pero ang road trips, medyo hindi na. Hindi na nya kaya.  At magmula ngayon, pinramis ko na sa sarili ko na kapag umaangal na sya ng sakit, hindi ko na pababayaan na tuluyan nang sumakit bago sya bigyan ng gamot.  Whether he likes it or not, iinom sya.  And from now on, iiwasan na namin ang mga bagay na makakataranta sa kanya, makaka-stress sa kanya, makaka-yamot at makaka-galit sa kanya.

Oo, lalabas akong kontrabida at lalabas akong antipatika, pero papayag na ako, para sa asawa ko.  Kaya nga, ako ang Angeli Pangilinan sa asawa kong ala-Gary Valenciano na may sakit.  Si Bossing na lang ang lumabas na mabait, ako na ang mahigpit, if it will mean na walang syang karamdaman.  Ok lang naman na mahirapan ako, ok lang sa akin ang mag-alaga sa kanya dahil asawa ko sya at magkasama kami thru thick and thin,  hindi ko irereklamo yun.  Pero hindi ko matiis na umiiyak ang asawa ko sa sakit.  It’s not fair and he doesn’t deserve being in pain, as much as I can help it.

Sinusulat ko ito, para ma-journal ko rin ang nangyari at para na rin maintindihan ng mga tao kung bakit minsan magiging kontrabida ako o pagbabawalan ko sya sa mga ibang aktibidades na alam naming dalawang makaksama na sa kanya dahil nga pakiramdam at fear ko, nagiging advanced na ang sakit ng asawa ko.  Matagal nang mawala ang mga lesions nya, mas napapadalas na ang sakit ng mga joints nya.  Just to give you an idea, Humira na ang iniinject nya to lessen the lesions.  Right now, pwedeng ako na ang nag-aadminister nito.  Kasi nga iba na ang syringe nya.  Unfortunately kasi nung naka-Enbrel pa sya, talagang syringe ang gamit nya.  Takot ako dun, hindi ko ma-take na pumapasok sa katawan nya ang karayom, nanlalata ako. Pero ngayon dahil para nang pen ang gamit ng Humira, ako na ang mag-iinject sa kanya from now on.  Para hindi na sya masyadong masaktan.  Sabi ng dermatologist nya, parang hindi na masyadong gumagana ang Enbrel kasi.

Sinusulat ko rin ito para rin may idea ang mga tao kung ano ang ibig sabihin ng may psoriasis arthritis ang isang tao.  Hindi naman kasi nagkukwento ang asawa ko at kung magsabi man syang ina-arthritis sya, parang bale-wala lang ang tono nya.  Ako lang ang nakakakita kung paano sya ngumiwi, sumigaw sa sakit, at umiyak.  Kaming dalawa ang magkasamang nagpupuyat kapag inaatake sya at hindi sya makatulog.  Kamay ko ang nangangawit at umaamoy gamot sa pag-masahe ng mga joints nya.  Ako ang nakakaramdam ng helplessness minsan kasi hindi ko na malaman kung paano ko pa sya pakakalmahin, pakukumportablehin o tatanggalan ng sakit.  Nobody has any idea what really happens.

Hindi lang ito basta arthritis, mas matindi ito, mas masakit.  May mga taong meron nito na sa sobrang sakit nagpapakamatay.  Ayokong mangyari sa asawa ko ito.  Ayokong dumating ang point na yun kasi hindi dapat.  Chicken and the egg ang cycle ng psoriasis at arthritis para sa asawa ko kasi psoriasis can be triggered by stress and kung masakit ang mga buto nya, nasestress sya sa sakit, the more he stresses, the worse his psoriasis becomes.  At a certain point, it has to stop.

At kapag naka-Humira (kahit na nung naka-Enbrel na sya), prone to other sickness na sya.  Mababa na ang resistance nya sa TB, lupus at allergies.  Much worse, pwede rin ang heart failure. At nakaka-atake ng puso kaya ang stress.  In my husband’s case, tumataas ang BP nya.  Nakaka-depress din ang mga gamot na ito.  Kaya, bakit ko sya isu-subject sa mga kundisyon at eksenang malungkot o nakakayamot?  Never again for him, for me, and more so, for the both of us.

So bakit pa rin kailangan ng gamot?   The positive effects of the medicine still outweigh the negatives kaya, no choice, he has to take the medicine.  Kahit papaano, nakonontrol pa rin nito ang pagkalat ng psoriasis sa katawan nya.

Hindi ko sinasabing hindi kami nag-aaway ng asawa ko at hindi ako nakadagdag sa stress nya.  But I’ve learned so much with the five years we’ve been married na kapag nag-aaway kami, alam ko nang pakalmahin ang sarili ko at eventually pakalmahin sya para hindi tumagal at lumala ang away namin.   Pero in my defense, alam ng asawa ko na kapag nagalit ako, may rason at mabigat ang rason.  Hindi ako basta-basta nagagalit, pero kapag nangyari yun, kagalit-galit talaga.

Mabait ang asawa ko.  Kaya nga, “Gary V.”  Sa pagsasama namin,  tulad ko, iniiwasan na rin nyang matagal kaming magka-away.  Pero ang mga nangyayaring external sa aming dalawa ang mas hindi ko makokontrol pero iiwasan kong mapagitna kaming dalawa dun from now on.  Kapag alam kong ikase-stress naming dalawa o nya ang magiging sitwasyon, pipigilan ko nang mangyari pa.  Pasensya na po, kailangan lang.

Kaya sige na, ako na ang kontrabida.  Para sa asawa ako at sa (pagkontrol sa) sakit nya… papayag na akong tawagin nyo akong “Ma’am Angeli”.   Basta buhay at stress-free ang asawa ko.

Happy New Year sa inyong lahat!!

Related Posts with Thumbnails

(Nakita 75790 beses ng 12583 bisitors)