Ikaw, Kelan Ka Susunod?

(Nakakayamot Isyu 5, May 27, 2002)
Here’s a toast to your new bride who has everything a girl could want in her life, except for good taste in men!
– Wedding Toast

So, eto na naman ako. May ikinasal na naman sa pamilya Zaragoza at bahagyang naging tampulan na naman ako ng tukso ng mga kakilala at kamag-anak dahil wala pa rin akong asawa hanggang ngayon. Alam nyo naman sa Pilipinas, para bang kung hindi ka pari o madri, kailangan may asawa ka na bago mag-lyebo-treynta. Kapag ang lalaki ang natatagalan bago ikasal, ok lang yon at sinasabi nilang nag-eenjoy sa pagkabinata. Pero kapag babae ang natatagalan bago makapag-asawa sinasabi nilang nililipasan na ng panahon at baka hindi na magkaka-anak. Sa aming apat na magkakapatid, si Ringo na lang atsaka ako ang walang asawa. I’m sure, kahit na trenta anyos na si Ringo, hindi masyadong tinanong yan ng tungkol sa kasal… pero ako?!?! Marami-rami ang nagtanong sa akin nun. Para bang wala nang ibang dapat gawin ang babae kundi magpakasal at magka-anak.

Ok, don’t get me wrong, walang akong problema sa pag-aasawa at pagpapamilya. Gusto ko rin yon, pero ika nga ng mga puti, “all in good time”. Pakiramdam ko, kung maisipan na namin na magpakasal ni Andres ko, yun eh dahil handa na kaming dalawa. Hindi lang emosyonal kundi pinansyal at sikolohikal. OO nga’t limang taon na kami ni Andres pero ngayon pa lang kami talagang nagkakasama ng matagal. Dahil nga long-distance relationship ang sa amin, ang pinakamatagal pa lang na nagsama kami ng nagkikita araw-araw eh dalawang buwan at kalahati. Para sa amin, hindi pa sapat yon para sabihin namin na “Tara, pakasal na tayo…”. Para sa akin, napakadaling magpakasal. Ang mas mahirap, ang manatiling kasal. Mahal ko si Andres at sigurado akong mahal din nya ako, nag-iingat lang kami. Pasasaan ba at makakatanggap din ang mga kamag-anak kong ito ng imbitasyon ng kasal na Ala-Elvis sa Las Vegas pero sa ngayon, pinag-aaralan pa namin ang isa’t-isa at so far, unti-unti nararamdaman namin na gusto naming tumandang magkasama. Malapit na… medyo mag-iintay na lang sila ng konti pa.

Pero habang hindi pa nga nangyayari yon, ano pa ba ang magagawa ko nung tinanong nila ako? Eh di ano pa, tumawa, ngumiti at sinabi sa kanilang… “Intay lang kayo… gagawin pa kitang Ninong/Ninang!”

Pero ang tutuo nyan, itong mga susunod ang gusto kong isagot sa kanila. At kung ikaw man eh may problemang katulad ng problema ko, maganda sigurong medyo mag-memorize ka na ng mga lima hanggang sampung pwede mong isagot kapag tinanong ka nila ng:

“Ikaw, bakit wala ka pang asawa???”

1. “Kasi naisip kong magkaroon muna ng kabuluhan ang buhay ko bago mahuli ang lahat.”
2. “Wala lang, gusto ko lang marinig na tinatanong ako tungkol dun.”
3. “Eh sinuswerte eh…”
4. “Nag-iintay pa kaming matapos ang life sentence ng mapapangasawa ko.”
5. “Kasi hindi mo pa ako niyayaya.”
6. “Sasali pa ako ng Ms. Universe, eh.”
7. “Alam mo ba kung gaano kahirap kumuha ng dalawang tikets ng Ms. Saigon sa Broadway!?”
8. “Iniintay ko lang na umabot ng edad mo”
9. “Ang hirap-hirap kumuha ng blood test… hindi worth it!”
10. “Marami na akong labada, maraming salamat na lang”
11. “Eh di hindi na ako pwedeng makipag-date?!?!”
12. “Ayaw ng board of directors ng kumpanya ko.”
13. “Mawawala ang isang bilyong dolyar kong trust fund kung mag-aasawa ako.”
14. “Ayokong himatayin sa galak ang mga magulang ko kapag nalaman nilang mag-aasawa na ako.”
15. “Hindi pala talaga effective ang kulam, ano?”
16. “Sayang naman ang nagastos ko na sa mga single’s hotlines.”
17. “Ano?!?! Para may isa pa akong susuportahan sa sweldo ko?!”
18. “Eh ikaw, bakit kalbo ka?”
19. “Kasal na ako sa aking carreer, pero naisip namin na mag-trial separation muna.”
20. “Eh pareho lang naman ang may anak at may asawa. Anak na lang ako…”

Leave a Reply

© 2008 Pansitan ni Ate Sienna | Entries (RSS) and Comments (RSS)
Design by Design Your Web Page - Powered By Blog Collector, Wordpress themes