Lahat ng Alam Ko, Natutunan ko sa Sine (In Ader Words, Hindi ko Feel ang Titanic!)

(Nakakayamot Isyu 7, September 25, 2002)

Eto naman eh napag-uusapan lang, ano. Mahilig ako sa sine. Kung gusto kong matawa, ‘nuod akong sine. Kung gusto kong maaliw, ‘nuod akong sine. Kung nalulungkot ako, ‘nuod akong sine. Kung wala akong magawa, ‘nuod akong sine. Kung nabuburniks ako, …hmmm gets nyo ang point ko, diba?

Eniweyst-hiweyst, ang hindi ko lang maintindihan eh kung bakit pare-pareho ang pormula ng mga sineng pinanunuod ko - mapa-ingles o mapa-tagalog. Minsan hindi ko tuloy maalis sa isip ko na mag-isip - siguro nga ganun talaga ang buhay. Siguro nga, kung ginagaya lang ng pelikula ang tutuong buhay, eh di itong nakikita ko sa sine (o teleserye) ang tutuong nagaganap sa buhay ng tao. Kaya naisip ko, sana hindi na ako pinag-aral ni Inang at Itang hanggang sa kolehiyo tutal makapanuod lang ako ng sine, eh marami na akong matututunan.

Por Eksampol:

1. Na ang lalaki, kaya nyang sapuhin ang lahat ng suntok ng hindi sya nasasaktan pero kapag nilinis ng babae ang mga sugat nya ay umaaray sya. (Hiyah!!! Hayt!!! Suntok!!! Sipa!!! Aray… masakit ang alkohol, Neneng!)

2. Na alam mo man na may nakakatakot at nananakit na multo sa bahay, hindi ka dapat umalis at hahanapin mo pa ang multo.

3. Kapag sinimulan mong sumayaw sa kalye, lahat ng tao sa paligid mo ay makakasabay sa choreography mo.

4. Kahit na marami kang kaaway, isa-isa lang silang susugod sa iyo at hihintayin nilang matumba mo ang kasama nila bago ka nila kalabanin. (O, ikaw na susunod… pang-anim ako, ha?)

5. Lahat ng computer sa mundo kailangan ng password bago sya magamit.

6. Kapag nahuli ka ng kalaban mo, hindi ka nya papatayin agad. Gagawa muna sya ng isang mahabang proseso na may timer bago ka mapatay. (Pag dating ang ika-tatlumpong minuto, ang lahat ng sibat sa kisame ay babagsak at masisibat ka. Mwahahahahaha)

7. At lagi mong malulusutan ang iyong kamatayan sa huling segundo bago dumating ang takdang oras sa timer. (Hah.. mabuti na lang, isang segundo pa at napatay na ako ng mga sibat sa kisame!)

8. At nabanggit na rin lang ang timer, lahat ng bomba may timer na malaki ang numero kaya’t kahit nasa kabilang kanto kay at kitang-kita mo sya sa tinataguan nya.

9. At ispiking of bomba, kayang-kaya mong magdisimula ng bomba - putulin mo lang ang asul na kwerdas.

10. Kailangang mag-yosi pagkatapos mag-sex.

11. Hindi mahal bumili ng tiket sa eroplano nang araw mismo ng alis mo.

12. Kapag nagbabayad ng sinakyang taksi, kumuha ka lang ng pera sa wallet mo ng walang tingin-tingin, huwag mo nang bilangin at huwag kang maghintay ng sukli.

13. Lahat ng nag-ka-crash na kotse ay sumasabog.

14. Ang lipstick, hindi nabubura, mereseng makipaghalikan ng matagal, mag-swimming o kumain.

15. Hindi nawawalan ng bala ang baril mo kahit na gaano mo katagal na gamit. At kung mawalan man, sa gitna ng shootout, mawawalan din ng bala ang kalaban mo sa eksaktong oras na nawalan ka rin. Itatapon mo ang baril mo at magsasapakan kayo.

16. Kahit na gaano ka kapangit makakakita ka ng model na girlfriend.

17. Kung gusto mong makita ang mga goons, magpunta ka sa malaking warehouse at duon sila nag-iinuman ng gin.

18. Kung bida ka, hindi ka tatamaan ng bala kahit na gaano karami ang bumabaril sa’yo, pero isang bala mo lang, tumba ang kalaban mo.

19. Kapag mamamatay na ang bida, makakapag-salita pa ito ng isang buong libro bago malagutan ng hinga.

20. Kahit na ano pa ang mangyari, darating ang mga pulis kapag tapos na ang bakbakan.

21. Ang kontrabida, walang alam na gawin at walang ibang laman ang isip kung pahirapan ang buhay mo.

22. Kailangan, kung in-lab kayo, kailangan ninyong mag-outing sa beach kasama ng barkada ninyo at gagawa kayo ng mga production numbers habang nasa dagat.

23. At salamat sa Titanic - Hindi ka lalamigin ng tubig ng dagat na puno ng icebergs basta’t nasa loob na ito ng barkong lumulubog pero kapag lumulutang na kayo sa dagat, mamamatay ka na sa lamig.

(Teka, naintindihan nyo naman siguro ang ibig sabihin ng sarcasm, diba?)

Leave a Reply

© 2008 Pansitan ni Ate Sienna | Entries (RSS) and Comments (RSS)
Design by Design Your Web Page - Powered By Blog Collector, Wordpress themes