Party! Party! Not!

41/365 days of blogging.

Wala raw kaming Christmas luncheon sabi ng mga sekretarya namin.  Paano raw puro mga busy ang mga tao at walang mag-aasikaso.  Isip ko, bakit kaya hindi sila ang mag-asikaso.  Lahat inaaasa nila sa mga programmers.  Samantalang dati, yung Admin Assistant ng kataas-taasang Konde ang gumagawa nito – walang reklamo.  Ang problema nag-retire na kasi sya. Hayyyyyyy.. ayoko man isipin, pero… ay naku, hindi ko na lang iisipin.

At para sa inyong lahat out there na mga namamahala na may mga utaw na pinamamahalaan, sana itong mga bagay na itech, wit ninyong ini-ignore.  Kasi sa true lang, parang pasasalamat nyo na rin ito sa mga piyon na nagtrabaho ng isang buong taon.  Mga ganitong bagay lang naman ang gusto nila – konting kainan, konting salo-salo, mga isa o dalawang oras na may break sila sa sobrang daming trabaho nila.  Wag ninyong kakalimutan ‘to.  Kasi nakakademoralize na maiisip namin, konting sakripisyo para sa amin, hindi nyo pa magawa.  Wag kayong magkakaroon ng mentality na “pasalamat nga kayo’t may trabaho pa kayo.”  Hayaan nyong ang mga piyon nyo mismo ang mag-isip nun sa mga sarili nila.  Na “nagpapasalamat kami dahil may mga trabaho pa kami”.  Tungkulin ninyong paisip sa mga utaw ninyo na appreciated ninyo ang mga ginagawa nila.  Mas lalo na sa mga panahong ito  ng budget cuts, salary cuts, cold cuts, german cut at kung anik-anik pang mga cuts na naiimbento para lang hindi gumastos.  Ngayon tayo dapat na positive pa rin ang kaisipan at pakiramdam.

Kaya ayun, kami-kami,nag-plano kami na maglu-lunch out.  Keri na rin.  Galing sa mga bulsa namin ito pero kasi kailangang merong ganito eh.  Mas lalo na ngayong back to normal na lahat.  Importanteng marenew yung camaraderie at samahan.  Group dynamics din ito.

Kaya kayo ha… next time, mas alam nyo na ang gagawin ninyo.  Hmp! Simberguenza!  Imbey!  Taltal M!

Eto na lang, para masaya na ako ulet. Gumawa na lang ako ng elf christmas namin ni Bossing at mga pamangkin ko kay Greta. Meron din sa mga junakis ni Patring. Happy Miyerkules!

(Nakita 15366 beses ng 3518 bisitors)

Goodbye, Bunot

40/365 days of blogging.

Salamat Scott Adams (http://www.dilbert.com)

Grabe itong araw na ito…

Umaga pa lang, may balita na kaming tinanggap galing sa mga bossing sa kataas-taasan – shelved ang pinakamalaking project ng ahensiya namin.  Paaalisin Patatalsikin Mawawala na ang halos lahat ng consultants na nagtrabaho sa amin ng almost 2 taon.

Tsk. 

In a way, tama na rin ang desisyon ng mga kataas-taasang.  Sa mga dahilang hindi ko na sasabihin, to “cut our losses” as soon as we can is the best decision they will make about this whole thing.  At least, may mga trabaho pa rin kami kasi ang dami naming tinurn-down na mga user requests dahil nga akala namin magkakaroon ng bagong sistema.  So since hindi na mangyayari yun, marami pa rin kaming trabahong gagawin.  Ok na rin yun…

Para sa akin, personally, masaya ako.  Kasi natatakot ako na  kapag nalagay na ang lahat sa production, maiiba na ang bossing ko at medyo hindi ko type yung magiging bossing na yun.  Pero dahil naging choice ko na hindi na sumama sa project for more important reasons, sabi ko sa sarili ko, “Keri na lang, teh…”   So ngayon na hindi na sya tuloy, isip ko, “thank you, Lord.  Ang bait mo talaga, pramis!”  Mga bossing ko pa rin ang mga dati ko nang mga bossing. 

Nung kalagitnaan ng umaga, may natanggap naman kaming email tungkol sa voluntary separation program.  Imbes na mag-lay off ng mga tao, susubukan nilang mangalap ng mga taong gusto nang mag-retire o umalis.  May kaunti pang perang ibibigay.  Ang hirap nga lang ng ganito, minsan yung mga magagaling pa na mga tao ang nakakaisip na umalis.  Sana hindi kasama ang bossing ko.  Nagkasakit kasi sya sa puso at inatake.  Alam naming at one point in time, sa hirap ng trabahong naiwan sa amin magmula ng na-reassign dun sa project ang halos lahat ng mga kasama ko, naisip na rin nya na mag-retire.  At naisip rin nya ito kasi nga nagkasakit sya.  Pero sana, hindi… wag muna.  Siguro naman, kung malalaman nyang hindi na tuloy ang project, hindi na nya maiisipang umalis. 

Nakakainis talaga ang recession.  Gustong-gusto ko talagang pag-sususunugin ang mga lending companies at bangkong nagsimula ng real estate balloon fiasco na ito.  Mga buset talaga…

(Nakita 12204 beses ng 2906 bisitors)

Sunday Night Date

38/365 days of blogging.

Habang hinihintay ang game

Sing-bilis lang ng kidlat ‘to.  Naglilinis pa kasi ako ng bahay pagkatapos maghugas ng pinggan at magkabit ng mga ilaw at parol sa labas ng bahay.  (Tsaka na ang pictures kasi sobrang lamig sa labas, karir. Sobrang gininaw kami ni Bossing.)

May date kami ni Bossing sa basement namin ng alas otso.  Manonood ng grudge match ng football ng Ravens at Steelers.  Bumili na ako ng chips at nag-load na ng labahin (para labhan ang tatlong uniporme ni Bossing para sa linggong ito).

Kakapagod itong araw na ito kasi lumbas din ako para bumili pa ng ilang ilaw para sa labas.  Nag-hanap ng christmas wrapper na babagay sa Christmas tree.  And as usual, na-O-C na naman ako at ilang tindahan pa ang pinuntahan ko bago ako nakapili – Target, Michael’s, Dollar Store at finally, sa K-Mart ako nakakita (Leche, wrapper lang ito!).  Ang daming magagandang mga wrappers pero ayokong gumasta ng pera para sa isang bagay na pupunitin din naman at hindi itatabi.  But at the same time ayokong bumili ng basta-basta lang.  May mga magaganda pero parang hindi bagay sa tree.  Kaya ayun, yun ang istorya ng apat na tindahan.

O sya… maglilinis pa ako.  Go Ravens!!!

(Nakita 9937 beses ng 2658 bisitors)

Oi, Little Christmas Tree

37/365 days of blogging.

Naghahanap ng puno

Grabe ang lamig!! Naknangtokwa! Eh fall pa lang, ah! Thirty-two degrees farenheit! Nagpapatawa ba? Bakit parang gusto ata ni mader neyture na talunan ang fall at gusto na nyang mag-winter. Nagmamadali?? May nag-aantay na taksi? Kaloka!

Hemingweys, hindi naman yun nakapigil sa amin ni Bossing. Tumuloy pa rin kami ng Home Depot para bumili ng puno na pang-Christmas tree. Pangalawang taon na namin ito. At may dagdag na decor kami this year, bibili din kami ng ilaw para sa puno sa labas at may parol na kami na binili nga namin sa Pinas na akala namin muring na. Nung sinabi ko sa mga batchmates namin nung HS na natawaran pa namin at naging P900 na lang, pinagtawanan kami at mahal pa rin daw yun kasi maliit lang naman ang parol namin. Pakshet.

At ang nanalo...

Pero di bale na. Masaya pa rin kami. $20 lang yun no. Aangal pa ba??  Napag-isip-isip ko nga, dapat pala bumili pa ako ng isa pa, or mas malaki.  Kapag nasa Pilipinas ka kasi parang ang mahal na nun kasi marami ka na ring mabibili sa ganung halaga.  Pero kapag andito ka na ulet at iko-convert mo sya, dun mo marerealize na, pucha, eh dapat pala dalawa na binili ko.  Katulad nga ngayon… Pero ok lang. Nektaym…

So ayun nga, go-sago kami sa Home Depot para sa aming annual Christmas Tree picking.  Actually, may bilihan din ng puno dun sa kanto naming vacant lot pero sabi ni Bossing mas sariwa raw kasi ang mga puno sa Home Depot kaya dun na lang kami.

Pagpasok pa lang namin dun sa may lot ng Home Depot ng mga puno, ang bango-bango – pine fresh scent. Kasi nga puro pine tree (obviously, diba?).

May iba’t-ibang klaseng mga pine tree dun – may douglas fir, colorado spruce, scotch pine, at kung anik-anik pa.  Ang actually gusto kong klase yung fraser fir kasi mas maganda ang mga needles nila, pero pinakamabango at pinakamura ang douglas fir kaya yun ang binibili namin.

Ang sandamakmak na mga douglas fir

Kapag namimili kami ng puno, ang gusto lang namin yung mga 5.5 ft. hanggang 6 ft. lang kasi mababa ang kisame namin.  At hindi masyadong mataba kasi nga maliit lang ang house.  Pero ang nakakaloka kasi sa puno kapag nilagay mo na sa stand, nalagyan mo na ng trimmings at decor at nakabagsak na ang mga dahon, at nilagay mo na sa tuktok ang tree top, parang lumalapad at tumatangkad pa rin.  Kaya ang pinipili ni Bossing yung maliit lang talaga.

Nakakaaliw ang pagbili ng puno kasi pagkatapos mong mamili sa dami ng mga puno sa  lote, dadalhin mo sya dun sa mga taong nagaapyos ng pinakailalim ng puno – tatanggala ng ibang mga branches at ile-level ang pinakapuwit para kapag nilagay mo sya sa stand, tutuwid ang tayo.

Ang Tree Packer

Pagkatapos ayusin ang puno, idadaan na sya sa isang machine na magbabalot na sa kanya.  Aliw yun kasi pagdaan sa bilog nakabalot na ng net ang buong puno, ready for take-out.

Ang iba, sa taas ng kotse nila nilalagay ang mga puno nila.  Very traditional yun.  Nakakatuwa kapag nakakakita ng ganun.  Nung time na yun, ang dami naming nakikitang galing ng Home Depot na may puno sa bubong ng kotse nila.  Pero kami ni bossing sa loob ng kotse nilagay.  Natakot kami kasi baka magka-gurlis ang kotse atsaka hellers, kapag nahulog yun sa daan, bubuhatin namin?? Kakahiya, cause of delay ng buong madlang pipol sa highway.  Wag na lang, kaya…

So nung pinasok sa kotse, malalanghap mo ang bango ng puno.  Very Christmas-y ang feeling.  Mas lalo na kung nakikinig pa kayo ng Christmas carols sa radyo.  Pag-uwi nilabas ko na lahat ng mga decor at nagsimula na akong mag-ayos ng puno.  Siguro mga 12:30 ng gabi na rin ako natapos – shet, pitong oras, magmula pagbili hanggang sa matapos.  Alam nyo naman ako, may O-C disorder (hahahaha) kaya gusto ko masinsin ang mga ilaw.  Ilaw pa lang ata, isang oras na akong naglalagay.  Tapos ang mga angels, christmas balls, christmas chords at ribbon.  At ng matapos ako, napabuntong-hininga ako, at nasabi ko sa sarili ko, “Yup, I did it again…”

Merry Christmas Na!!

Bukas ang parol naman.

(Nakita 14867 beses ng 3382 bisitors)

Flashback Friday

36/365 days of blogging.

Ang sarap talaga ng Byernes!!!  Kasi weekend na, walang josok ng dalawang araw at time para mag-unwind.  At mag-rewind.  Kaya twing Byernes, magfa-flashback tayo.  Kasi nga 30 years na pala kami ni bossing na graduate ng high school!!  Kaya ang Flashback Fridays ay dedicated ko sa aking mga ka-batchmates sa CCS circa 1981.  Basta flashback ng era namin, pag-uusapan natin twing Byernes.  Para maiba rin naman ang 365 days of blogging project ko.

So kahit na ano – laruan, fashion, TV, artista, commercial, music, lumang pictures  – kung anik-anik lang nung mga panahon ng dekada 70, 80 at 90, yun ang ilalagay natin dito.  Wala lang.  Minsan kasi ang sarap mag-rewind ng panahon.  Nung medyo simple pa ang buhay…

At para sa unang FF entry, pag-usapan natin ang mga commercials.  Pinaka-mabilis na tumatak sa isip ng tao ang isang brand kung maganda ang ad sa TV at may slogan na talagang hindi mo kakalimutan.  Tulad na lang ng pag sinabi mong:

“… isang platitong mani”  – San Miguel Beer Commercial

“…das a lat op nonsens!”  – commercial ni Pugo sa white westinghouse

“… may underarm odor si Fe!” – Veto

“I can feel it!”  – Alice Dixon sa Palmolive

“You’ll like it very mucho!”  – Fress Gusto ni Gary V.

At maraming-marami pa.

Ang isang di ko makakalimutan, yung slogan na “Order Ni Misis”.  Baguio Oil Commercial.  Kasi kahit na si Ringo na ilang taon lang nun, kinakanta yun, paulit-ulit.  Wala lang.  Parang last-song-syndrome.  Parang parrot lang.

“Order ni Misis, Baguio Oil.  Order ni Misis, Baguio Oil!”

Habang naglalaro ng mga “patung-patung” nya (mga building blocks nya yun) o anything na ginagawa nya na pwede syang kumanta, parang mangkukulam lang na panay ang bulong ng “order ni Mrs”.  Natatawa na lang ako kasi Baguio Oil ang kinakanta nya.   Naalala ko tuloy na ang Baguio Oil nun, hindi naka-sachet o naka-plastic na bote – nakalata!

Yun ang magaling na commercial – yung kahit batang maliit kayang sabihin at tandaan ang jingle o slogan ng produkto.  Pero iba ang commercial nun, parang mas simple lang ang production, hindi kumplikado ang mga dialogue.  Sabagay, marami pa ring magagandang mga commercials ngayon.  Pero iba ang appeal ng mga commercials na kinalakihan ko.  Kasi nga maraming memories na kasama.   At may halong nostalgia.

Nahagilap ko itong commercial ng Baquio Oil sa youtube.  Maraming salamat sa mga taong nag-tya-tyagang mag-upload ng mga ganitong videos.  Thanks for the memories…

At take note, yung asawang lalaki sa commercial ay ang nasirang Jerry Pons. (Natatandaan nyo pa ba sya??)


(Nakita 14799 beses ng 3903 bisitors)

Goldilocks, Dreadlocks

33/365 days of blogging.

The dreaded dreadlocks

Ang mga itim (African-American, kung tipis nyong maging politically-kerek), iba ang texture ng mga buhok.  Sa kanila nga nauso ang afro, hindi ba?  Kasi by nature, hindi malambot ang mga buhok nila, actually ang katulad nya, eskoba.  Sa true lang yun.  Walang OA. 

Bihira lang sa kanila ang may buhok na katulad ng asian – yung tipong pang-pantene na commercial.  Eh meron pa ngang shampoo dito na pang-itim lang talaga.  Kasi nga iba sila.

Kaya sila, iba-iba ang ginagawa sa buhok.  As in itirintas, sadsarin (kahit mga babae) lagyan ng wig ang mga ulo, at kung anik-anik pa. 

One time sa bus, may umupo sa harapan ko na lalaking naka-dreadlocks.  Yung mga buhok na pinagsasama-sama at akala mo mga uod.  Hindi ko na napigilan ang sarili ko na titigan ang buhok nya.  Kasi nga hindi pa ako nakakita nun ng malapitan. Kaya kinuha ko ang iphone ko ang kinunan ko ng pic.  Isip ko, “ahhh… ganito pala itsura nito.  parang uod na tinubuan ng buhok ang buong katawan”. 

Pramis.  Like dat talaga. 

ARRGGGHHH Sinusugod na ako ng mga uod!!!!

Pero medyo may amoy ang buhok nya.  Hindi mabaho pero alam nyo yung amoy na sobrang tinding pabango na masakit sa ilong?  Ganun sya.  Hindi malakas ang amoy, pero amoy pa rin.  Kumbakit naman kasi ang sinasabi nila, kapag raw kasi nakaayos ng ganito ang mga buhok nila, hindi pwedeng araw-araw liguan.  Eh sabi sa dreadlocks.com, hindi naman tutuo yun.  Kaya ayun, para hindi majoho, kung anik-anik ang nilalagay nila sa buhokelya nila.  ‘Kakaloka. 

Pero diba, aliw tingnan? Talagang hindi matapos-tapos ang tingin ko sa buhok nya.  Parang any monument, tatayo sila at sasagpangin ako kasi ang rude ko at tinititigan ko sila.  (With maching kuha pa ng picture!)

I love my commute life talaga…

(Nakita 15829 beses ng 3266 bisitors)

One More Chance

32/365 days of blogging.
Sana ganito na lang ang ginagawa nung mga utaw na magaling sa computer at mga kung anik-anik na mga graphics.  Kesa naman pag-papabigat sa internet ang ginagawa – tulad ng spamming, phishing, at iba pang walang kakwenta-kwentang bagay.

(… Bitter Ocampo lang ako kasi ang dami na namang spam ng site ng Pansitan.net… kakainis!!!! Nakakapagod magbura.

Ayoko ng putek, ayoko ng marumi, ayoko ng masikip!
Ayoko ng spam… mas lalo na kung hindi yung delata!)



(Nakita 12264 beses ng 2480 bisitors)

Techi-Senti Lang

25/365 days of blogging.

Super Mario sa NES

Nung Byernes ng gabi naisip namin ni Bossing na manuod ng sinex.  Nagdrive kami papunta sa mall at naghahanap na ng mapagpapark-an ng marealize namin, anoitoooo??? Puno ang parking lot – sa harap at likod ng mall.  Isip namin, kasi siguro Byernes.  Nung dumaan kami sa may entrance ng sinehan, may malaking stage na tinatayo.  At bakit may stage??  Alam nilang darating ako??  Maya-maya, parang mga bubuyog naglabasan na ang mga bagets at mga naka-costume pa ang iba lahat papunta sa sinehan.  Dun pumasok sa isip ko, “shet, Harry Potter ba ngayon????” And sure enough, pag-check ko sa Fandango, dyaran!!!!  First day nga ni Harry.  Ang lakas ng agos. 

 Natakot si Bossing, ayaw nang tumuloy.  Ako man, di ko pa feel makipagsiksikan.  Ayokong manood ng sine na maraming magulong mga bagets sa loob ng sinehan.  (Ayoko ng masikip!  Ayoko ng putik!) Intayin ko na lang ang dalawang linggo.  By then, akin na ang buong sinehan. MWAHAHAHAHAHAHA!!!!!!!!!
 
So ang ending, kumain na lang kami sa Mama Rosa (yung pinoy na kainan dito sa amin) tapos nagpunta na lang kami sa Best Buy at bumili ng dibidi na naka-sale.  At habang nandun kami, nag-uzi si Bossing sa buong Best Buy at alam nyo ba kung ano nakita nya?  Kinnect.  Yung sagot ng Xbox sa Wii ng Nintendo na hindi mo na kailangan ng mga remote at ginagamit mo na lang ang buong katawan mo.  Nakakaloka.  Sinubukan namin sya ni Bossing sa Best Buy mismo at aliw na aliw kami.  But of course, hindi ko na inalam kung magkano sya.  Utang na loob.  May Wii na kami na isang taon pa lang.  Tama na yun. 
 
Hay naku, may mga bagets pa kayang maka-alam nito????

Pero diba nakakaloka na ang technology?  Sabi nga ni Bossing, ngayon parang ang bilis-bilis na nilang makadiskubre ng mga advancement.  Kung dati, aabutin ka ng ilang taon bago ka makakita ng bagong gadget, ngayon, parang pumikit ka lang sandali, may ibang bagay na silang pinagkakaguluhan na mga hi-tech na electronics.  Isip ko, magmula ng naging mabilis at advanced na ang mga computers, parang mas lalong ang bilis nilang gumawa ng mga kung anik-anik na mga techie na mga bagay.  Paano nga, ang bilis nang gumawa ng mga algorithm sa mga computers ngayon.  Grabe, diba?

 
Bigla nga akong na-senti.  Naisip ko lang kasi yung mga panahon na hindi pa ganito ang buhay.  Yung simple lang ang mga hilig ng mga tao.  Yung mas na-e-enjoy mo ang mga bagay na electronics na hindi ka napapraning na bukas lang may tataob na dyan sa hawak mong walkman na bagong-bagong bili ng tatay mo galing Saudi.
 
A Paborito Kong Game & Watch

… o yung game and watch mong Mickey Mouse na nagkamali kang paglaruan sa loob ng classroom kaya naman na-“gimme that!” ng teacher mo at halos lumuhod ka na sa harapan nya ibalik lang nya sa iyo ang laruan kasi papaluin ka ng nanay mo kapag hinanap nya yun at sinabi mong “…na kay ma’am po kasi naconfiscate”. 

 
… eh yung nintendo game na kung saan dun mo unang naencounter si Mario.  Na kapag panay ang laro mo at mainit na sya, nagha-hang na sya at kailangan tanggalin mo yung malaking cartridge at isaksak mo ulet para gumana sya ulet.
 
Ang bilis ng panahon.  Parang gusto kong bumalik sa basic.  Parang gusto kong bumili ng sungka.

(Nakita 15209 beses ng 2684 bisitors)

On Call Support

22/265 days of blogging.

Ang Toka Kong Oncall (In Yellow)

Ilang siglo na ba akong nagtatrabaho sa IT?  Teka nga ma-compute:

If Petra graduated summa cum lande from the University of San Lazaro in 1985 with a degree of BS Mathematics and won as Miss Universe the year after and worked as a part-time  masahista for 7 years and then became a beauty parlor manicurista after and till now, how many manicures and pedicures has Petra done since then?

So nag-graduate ng college ng 1985.  Naging Ms. Universe  ng 1986.  So 1986 + 7 years ng pagmamasahe = 1993.  2010 – 1993 = 17 years na manikurista.

Going further, kung 4 na kustomer isang araw x 365 days x 17 years (dahil walang araw ng pahinga dahil may binubuhay na asawang lasenggo at anim na anak) = isang  babaeng matagal nang nakakulong dahil pinatay na ang asawa sa kunsumisyon.   Priceless.

Hemingweys, pagkatapos ng isang mahabang word problem sa Math, na hindi ko masyadong gusto kahit na nung nag-aaral pa ako dahil mahina ako sa englis, 17 years na nga akong nag-tatrabaho sa IT.

Tsk… at hindi ako yumaman.  Tsk…

Sabagay, hindi ko naman talaga inambisyong yumaman.  Magka-asawa lang ako na mabait at lumaganap na sa buong mundo ang World Peace, masaya na ako (aruuuuuu).

Pero sa true, masaya naman ako sa IT.  Ang dami ko na ring natamong blessings dahil dito.  At kahit na nung nagkarecession na at hindi na kami box office hit na katulad ng dati, may ganda pa rin naman ako.  Kahit na nga mainframe pa rin ang hawak ko at hindi na uso ito, Ok pa rin.

At sa 17 taon (grabe, 17… alamat na ang tawag sa akin!) na pagiging IT, ilang beses at ilang kumpanya na rin ba ang napuntahan ko na nasa rotation ako ng on-call palagi.  Ano ang ‘on-call’?  Kapag ang sistemang napasok mo ay nagtatakbo ng mga programs/jobs sa gabi at tinatawagan ka nila kung magkaproblema, yun ang ‘on-call’.  As in, first line of defense ka nila kapag may nangyari sa sistema at hindi tumatakbo ng matino.  As in dapat mabigyan mo ng solusyon ang problema nuon-nuon din.  Mereseng alas 2 ng madaling araw pa yun!

May mga napuntahan na akong trabaho na ang tindi ng on-call.  Apat lang kayong staff, tig-isa-isang linggo kayo na toka at walang gabing hindi ka tatawagin ng mga operator sa gabi para mag-ayos ng problema.  Napasukan ko na yun.  Ang maganda lang nun, ang yaman ko pagdating ng sweldo kasi compensated ka ng per ora kapag may tawag ka.  Kahit 5 minutes ka lang na nagtrabaho, kahit tawag lang sa telepono at hindi ka nag-login, isang buong oras ang singil mo.  At kung 1.5 hours ka lang na nagtatrabaho, 2 hours ang sinisingil mo.  Bukod pa sa may allowance ka pa basta hawak mo ang pager (hindi pa gaanong uso nun ang cellphone sa oncall).  Pero after ilang taon, napagod na rin ako nun.  Hindi na napantayan ng pera ang kunsumisyon at pagod.

May napasukan na rin ako sa Canada na ang on-call medyo weird kasi kanya-kanya kayong sistemang pag-aari kaya kung ang sistemang hawak mo eh parang bulkang sumasabog gabi-gabi at ang sistema ng kasama mo eh kasing tahimik ng paraiso sa boracay, sorry ka.  Gabi-gabi kang may tawag.  At toxic yun.  Hindi ako nagtagal dun.  Natakot ako kasi yung katabi kong inatake sa puso dahil araw-araw ang tawag eh nagretire na at ako na ang susunod na may alam ng sistema nya.   Nag-resign ako.  Gusto ko pang mabuhay ng matagal, Isabel.

Kaya sanay na ako.  Hindi na ako tensyonada sa gabi ng oncall ko.  Masarap na ang tulog ko mereng may dinamita pa sa tabi ko.  Pero oras na tumunog ang telepono ko, kahit pa-ingit lang, gising na ako.  Ganun na ako dati pa.  Kumbaga, kumakain na ako ng bala sa agahan.

Nung pumasok ako dito sa state, nalaman ko na ang on-call eh minsan sa isang buwan at may minsan sa 3 buwan na weekend oncall, natawa ako.  Maning-mani.  Sus, ano pa ang irereklamo ko, eh parang bale-wala ang oncall.  Pero nun yun.  Nuong 19 pa kaming nagsasalitan.  Nabawasan na ng nabawasan yun sa pagdaan ng 4 na taon at hindi nila pinapalitan kasi recession daw o walang nag-aapply dahil sa baba ng sweldo.  (Hello, recession ngayon!! Kahit na nga maliit ang sweldo tatanggapin ko kung gutom na ako.  Tsk… minsan talaga ang mga puti, spoiled.  Kainis.  Parang gusto kong itapon sa Smokey Mountain sa Pilipinas ang mga mahilig magreklamo dito para may rason sila talaga para magreklamo.  Kainis.)

Ngayon, 11 na lang kami.  At siguro ang oncall ko, mga 2 beses na isang buwan at weekend ko na mga 1 sa dalawang buwan.  Hindi pa rin masama.  Keri pa rin.

Pero nung nagbakasyon ako sa Pilipinas at kailangan may kahalili sa oncall, natambak lahat ng oncall ko itong buwan na ito.  At eto ngayon ang schedule ko.  May isa bago mag-Thanksgiving at buong Thanksgiving weekend din.  Ang ganda.

Pero keri pa rin.

Kesa walang trabaho.

(Nakita 13744 beses ng 2186 bisitors)

Walang Sense – Ang Pagkamatay Ni Dr. Leonardo Co

21/365 days of blogging.

Ang Kaibigan ni Bossing, si Leonardo Co

Minsan hindi ko na talaga maintindihan.

Nasa kwarto kami ni Bossing at nagpapahinga.  Nanunood kami ng balita sa GMA Pinoy TV.  Hindi ako masyadong nakikinig ng balita at may iba akong pinagkakaabalahan.  Habang nanunuod, bigla na lang syang nagsalita ng, “Anoooooo?!?!?!?!  Bakit???????”  At pinanood kong bigla yung pinapanood nya.  Binabalita ng news reporter ang pag-paslang kay Dr. Leonardo Co, ang UP botanist na nakadiskubre ng Rafflesia Leonardi habang nagreresearch sa field.  Pinatay raw sa “crossfire”.

Naloka ako bakit feeling ko, sobra ang react ni Bossing.  As in, naluha pa sya.  Nung inexplain na lang nya na nakasama nya sa mga bundok ng Cordillera nung panahong nag-o-outreach pa sya nun, dun ko lang narealize bakit affected sya.  Naging roommate nya dun si Dr. Co at yun ang nagturo sa kanya kung paano maghiwa ng mga gulay para raw mapreserve ang sarap habang niluluto.

Nakakapagtaka talaga ang pagkamatay nya.  Medyo flimsy ang kwento ng mga sundalo dahil may isang kasama sina Dr. Co na nasurvive ang “crossfire” na nagsasabing, wala namang raw ibang tao dun nung panahon na yun kundi sila lang na mga researchers.  At sumigaw pa raw sila na sila lang ang nandun pero hindi pa rin daw tumigil ang mga sundalo.

Isip ko tuloy, “Bakit hindi tumigil ang mga sundalo sa pagbaril?  May nag-tip ba sa kanila na may mga kalaban dun pero mali ang tip??”  At may news blackout dahil hindi pinalabas ang balita sa Leyte.  Pero siempre, ang bagoong aamoy at aamoy pa rin kahit na takpan.  Nakarating at nakarating pa rin ito sa Manila.

Tsk.  Nakakainis.  Kung tutuusin, National Treasure na ng Pilipinas si Dr. Co.  Matagal ko nang alam yung tungkol sa Rafflesia Leonardi pero ang hindi ko alam, kaibigang-kaibigan pala sya ni Bossng.  Parang mas matindi tuloy ang dating nito sa akin ngayon.

Itong mga ganitong mga pangyayari, hindi ko talaga maintindihan bakit nangyayari sa atin.  Hindi ito ang unang beses na nangyari ito sa Pilipinas na may mga nababaril ang mga military na hindi naman nila dapat na barilin.  Praning na lang ba sila talaga???

Related Posts with Thumbnails

(Nakita 12304 beses ng 2274 bisitors)