(Nakakayamot issue 1, january 6, 2002)

(Ang sumusunod ay purong opinyon lamang. Tanging hangad ng may akda ay ang maipakita ang mga maliliit bagay na kapuna-puna. Walang personalan, bato-bato sa langit, tamaa’y may bukol)

Matagal-tagal na rin akong wala sa ‘Pinas – mag-a-anim na taon na. Ok naman ang buhay dito sa Amerika at sa Canada (Pabalik-balik ako dahil sa Canada ako tumira at si Andres ko eh nasa California). Oks naman ang buhay dito… Dito, kung masipag ka lang, mabibili mo lahat ng gusto mo. Ang pagkain mura, sobra-sobra pa nga minsan – pang malaking tao eh kakapiranggot lang ako. Ang ordinaryong kotse mas mura. Kung marunong kang mag-ipon, makaka-bisita ka pa ng ibang lugar tulad ng Disneyland, Mexico, Hawaii, etc. Depende kung nasaan ka, walang polusyon at malinis ang paligid. Pero malungkot din ang buhay sa “abrod” dahil miss na miss mo na ang mga barkading mo, ang mga pamangkin mong makukulit, ang mga karinyo-brutal ng mga kapatid, ang mga gimikan na walang katulad. Not to mention, Baliwag chicken, Aling Nene’s and Mang Siding’s barbecue, Mila’s Lechon, Bandong’s Coco Jam, buko pie, hot pan de sal, Binondo, atbp.

Pero titiisin mo lahat ng lungkot kasi nga pag nasa ibang bansa ka, sabi nga ng matalik kong kaibigan na si Socorro (hindi nya tunay na pangalan) “You’re living the American dream” (kahit sa Canada ka nakatira, “American Dream” pa rin yon). Kung nagpapadala ka ng pera sa mga nasa Pinas, ang laki ng palit ng dollar sa peso. Hmmm… hindi magandang signos para kay Gloria (Macapagal! May iba pa bang Gloria??), pero sa mga Pinoy na tumatanggap ng dollar, ok na ok yon.

Kaya naman ang dami-daming Pinoy na tumitira sa ibang bansa para kumita ng dolyar at, tanggapin man natin o hindi, para guminhawa ang buhay nila dahil tutuo ngang mahirap mabuhay sa Pinas mas lalo na kung average-incomed lang kayo.

PERO… Maginhawa na sila, may kotse (dalawa, tatlo pa minsan), puro designer ang damit at sapatos nila (ultimo medyas), maganda ang bahay, steak pa ulam madalas. Kaya lang bakit parang ang ugali nagbago din? Sadya atang ang Noy-pits, hindi maalis sa atin ang talangka mentality. Tipong ang nasa isip nila, “Aba umaakyat ka ha.. wala kang K dahil dapat mas mataas ako sa’yo. Over ka! Get down ka dyan!” At aapakan, yuyurakan, hihilahin pababa para sila ang nasa itaas. Diba, ganun ang talangka? So ang ibang Noy-pits, pilit at ipipilit na parang pilipit na ipakitang mas lamang sya sa’yo. At kung lamang ka nga, pilit kang hahanapan ng butas para masabing wala kang K lumamang. Parang pelikula ni Maria “Babangon ako at dudurugin kita!”

Nakatuwaan kong magpa-survey sa mga kaibigan ko. Isa sa mga tanong ko eh “Kung hindi ka na sa Pilipinas nakatira, ano ang isang bagay na kinaaayawan mo sa mga Pinoy na nasa abroad?”

Bigla ka ring nag-isip ng mga “pet peeve” mo, no? Bweno, tingnan mo kung pareho ka ng ibang mga friendship bonds ko…

“…pag umarte sila, parang di na nila alam kung saan sila nanggaling”

Tutuo ha, yung iba, isang taon lang nawala sa Pinas, tanungin ba naman ako ng “Where’s Tutuban nga ba exactly? I forgot…” Forgotin rin kaya kita dyan?!?!? Eh yung Louis Vuitton na pinakita mo sa akin eh sa Tutuban mo binili yon nung nasa Pilipinas ka pa. Ang galing-galing mo pa nga na makiipagsiksikan at magkipag-sikuhan na sumakay sa FX na aircon galing ng Cubao hanggang Divisoria. Tulo pa ang laway mo habang tinutulugan mo ang traffic sa may bandang Sta. Mesa. “I forgot” ka dyan! Ilagay kaya kita sa sako at iwala sa gitna ng kalye ng Ilaya, kung hindi ka makauwi! Atsaka kita tatanungin ng “Saan ka ba nanggaling?!?!?”

“…pag umuwi ng ‘Pnas akala mo kanila na ang mundo… yumabang!”

Feeling Leo di Caprio ba sa Titanic (ayoko talaga ng sineng yon, ha!)? “King of the world” din ba ang drama? Tipong, pag umuwi, lahat ng ginto sinabit na sa katawan, mistulang Puff Daddy sa dami ng dyulahases. O lahat ng photo album dala pauwi para maipag-yabang sa mga kaibigan. “O eto yung kotse ni Dayunyor na Toyota Celica. Mahal yan… Yan kami sa Rodeo Drive.. Neiman Marcus, alam nyo ba yon? Eto naman ang kotse ko, hindi naman kagandahan, 4-runner lang na Lincoln Continental, meron ba dito nun? Yan naman si Mare nung nagpunta kami sa Plorida. Yah, galing na kami ni kumare mo sa Hawaii. Ayan si mare naka two-piece habang nagsa-sun bathing”. Hello!!!! Time-out, sobra na ito… Sun-bathing??? Eh nakita mo kulay kakawate naman si kumare ano pa ang isa-sun-bathing nun?? Atsaka, ‘day, ang mga bilbil nya ha!!! Kaya pala si Dayunyor nila, kailangan kasama ni Mare mag-swimming, wala kasi syang salbabida! OO nga, King of the world nga si Pare, kasi kasing laki ng Titanic si Mare!

Pero akala nyo ba ang yabang ni pare pag-umuwi lang ng pinas? May isa pang sakit ang mga katulad nila. Yung sinabi ng isa ko pang kaibigan…

“…nagpapataasan ng ere, sila-sila nagpapasiklaban”

Eto ang malungkot. Bakit? Kasi minsan kahit na hindi na nila kaya at baon na sila sa utang, pilit pa rin silang nakikipag-kompetisyon sa mga kaibigan nilang mga Noy-pits. Bukod sa gusto nila yung 4-runner na Lincoln Continental dahil nga sa luxury car ito, ang isang dahilan pa nun eh para mapantayan o mahigitan pa nga yung 4-runner na Mercedes Benz ni Pareng Kaloy. Kahit na sa tutuo lang, gumagapang na sila sa pag bayad ng buwanang hulog at ng mataas na insurance, eh parang lasing pa yon na lumalagok ng gasolina twing ginagamit nila. Pero di bale, bida naman sila sa mga kaibigan nila. Talo si Pareng Kaloy. Si Pareng Kaloy naman, magpapahaging na dadalhin ang pamilya sa Euro Disney. Kahit na sa tutuo lang yung huling labas nila ng pamilya nya pagpunta ng Hawaii, hindi pa nya tapos hulugan sa Mastercard nila.

“…Ingles ng Ingles kahit tinatagalog mo na, ang tigas naman ng dila!”

Eto.. eto ang pinakakinayayamutan ko! Kausapin mo ng Pilipino, sagutin ka ng Ingles. “Sey wat?!?!? Its bin tu long agow sins I bin bak howm” Ano daw??? Alam mo, ang sariling wika, mas lalo na kung lumaki ka sa Pilipinas at dalawampu’t limang taon ka nang nakatira dun, hinding-hindi mo malilimutan yon. Kaya kahit na pito, sampu o dalawampung taon ka na sa Amerika, wag mo akong Inglesin kung kinakausap kita ng Tagalog! Mereseng tunog-kano ka at mas lalo na kung hindi, mukha kang tanga at trying-hard kapag ginagawa mo yon. “I know Englis, does you?” O diba, pati mga verbs and tenses mali-mali pa. Por Dyos por santo naman, pareho tayong Pilipino at kumakain ka rin ng tuyo ng nakakamay at gumagamit ka pa rin ng tabo sa banyo mo – tantanan mo ako! Kurutin kita dyan, I’m sure ang sasabihin mo “ARAY!!!”

Sa tutuo lang, ang sarap-sarap mag-salita ng Pilipino. Sampung oras ka na minsan sa trabaho na ang mga kausap mo puti, kung ang kasama mo pa sa bahay eh puti rin na katulad ni Andres ko, mamatamisin mo talaga ang bawa’t kataga mo pag ang kausap mo eh Pinoy na nag-”tatagalog”. Kapag ang pakiramdam ko eh nauuyam na ako sa Ingles at wala ang mga malapit kong kaibigan (dalawa lang sila), kumakanta na lang ako ng OPM – iba eh… ang sarap pakinggan – galing sa puso, tumbok na tumbok ang gusto mong sabihin. Kaya “sey-wat-sey-wat” ka dyan, bumangon sana si Jose Rizal galing sa Luneta, bisitahin ka at hambalusin ka sana ng librong Noli at Fili ng sabay!

NAKAKAYAMOT!!! Nayamot ka na rin ba? Wag kang mag-alala, marami-rami man sila, marami-rami din naman na hanggang ngayon eh mapagkumbaba at hindi nakakalimutan ang pinanggalingan nila (kasama na run ang Ilaya). Kailangan lang, kilalalanin mo silang mabuti. May mga Pilipino pa rin na taos sa puso ang pagtulong at pakikipagsalamuha. May mga kababayan pa rin tayo na tutuong tao at talagang nagpunta lang sa abrod para makatikim ng kaluwagan sa buhay para sa kanila at sa mga anak nila. Ang assignment mo dyan, kilatisin mo lang silang mabuti.

Katulad ng lagi kong pinaaalala sa sarili ko na sana eh lagi kong ring sinusunod pero minsan dumadaplis pa rin ako, common sense din ang pakikipag-kaibigan. Medyo, pag-aralan mo muna ang pagkatao nila. Ang pakikipag-kaibigan, parang pagkain yan – may mga hanggang tingin lang lang dahil alam mong hindi masarap kahit mukhang masarap, merong mga minsan mo lang kainin dahil alam mong nakakasama sa katawan kung lagi-lagi, at merong dapat eh parte ng araw-araw mo dahil alam mong makakatulong sa katawan mo. (hmmmm… tama ba ang analogy ko??? parang may ibang ibig sabihin pag pinakikinggan.)

O baka naman sabihin nyo, puro kapintasan lang ng Pinoy ang nilalagay ko. Sa susunod na episode ng Samo’t-Sari, pramis ko, yung mga kapuri-puring katangian naman ng mga Pinoy sa abrod ang pagtutuunan ng pansin ng Pansitan. Gusto ko lang ilabas itong matagal ko nang kinikimkim sa loob ko at baka kung saan pa lumbas ito.

Kayo, ano ang kinayayamutan ninyo o kina-pupuri ninyo tungkol sa mga Pinoy sa ibang bansa? Ipadala sa akin dito sa pansitan.com.Wag nyo lang kalimutan na samahan ng isang selyadong sobre, 5 tansan ng Coke 500, ang inyong pangalan, address, suking tindahan at pirma. (hehehe, joks lang.)

(Nakita 2370 beses ng 283 bisitors)