(Dear Ate Sienna Isyu 1, January 6, 2002)

Minsan naisip ko dapat ata nag-mejor ako ng Psychology kesa Math (i-pangalandakan pa ba ang major ko eh hirap ako sa addition? hehehe) nung college. Kung iisipin ko lang kung ilang beses nang nahila ako ng mga kaibigan ko sa isang sulok at bigla na lang magpapalahaw ng iyak na parang si Ate Vi o tumulo ang luha na tahimik na humihikbi na tulad ni Ate Guy, siguro nakagawa na ako ng libro tulad ni Joe D’Mango. Andyang minsan hindi na ako nakapasok sa next period ko kay Ms. Aguila sa Calculus kasi yung isang kaibigan ko iyak ng iyak dahil nakita nya yung ex-boyfriend nya ayun at nakikipag-lampungan sa mestisang intsik sa may corridor sa Laboratory. Nung mnsan naman napilitan akong matulog sa bahay ng may bahay dahil sinamahan kong makipag-inuman hanggang alas-kwatro ng umaga sa sing-along sa Makati ang isang kaibigan ko naman sa upisina na sobrang depress sa boss nya. Iiyakan ka naman minsan ng mga bagets dahil problema ang boyfriend nila. May mga kaibigan din ako na talagang naki-iyak na rin ako dahil, sa tutuo lang, mabigat talaga ang problema sa mundo na pati ako apektado buong araw. Nung maimbento ang e-mail, ilang beses na rin akong nakatanggap ng sobrang habang mga email ng tungkol sa mga hinaing ng mga kaibigan ko. Yun na rin ata ang mga pinakamahahabang email na sinulat ko pabalik.

O, wag kayong mag-isip dyan… hindi ako nagrereklamo. Flattered pa nga ako kasi isipin nyo, kung ako ang pinupuntahan nila para hingahan ng mga himutok nila sa mundo, ibig lang sabihin nun may tiwala sila sa akin na iingatan ko ang sikreto nila hanggang libing. Isa pa, feeling nila madali akong kausap (siguro lang naman…). Minsan wala naman akong napapayo. Katulad na lang nung isang bagets kong bestpren. Nung wala pang syoting yon, walang alam gawin yon kundi tumambay sa bahay ko. Halos ipagtabuyan ko na nga minsan dahil sa tutuo lang nagsasawa na ako sa mukha. Pero in fairness ha, labs ko yon atsaka alam ko na gusto nya ng makakasama at kahit na hindi siya magsabi ng problema, nagtatawanan lang kamng dalawa, masaya na kami. Nakalipas na ang buong maghapon namin.

“Ikaw lang ang pwede kong sabihan kasi…” Siguro kasi nakiki-emote ako sa kanila – masaya kung masaya, malungkot kung malungkot. Samahan mo pa ng buntong-hininga dahil sa true lang, sumasakit din ang loob ko sa mga kwento nila. (O diba, affected si Ate Sienna? )

Pero hindi lahat ng problema malungkot. Yung iba tanong lang naman tungkol sa mga bagay-bagay. Yung iba feeling nila para na raw nilang nakausap si Dr. Margarita Holmes. (Tama ba???? Hoy, idol ko yon!) May napuntahan akong Discussion Board dati na pang-Pinoy. Bato ako ng bato ng mga sagot sa mga posts nila, akala talaga nung isang poster, si Dra. Holmes ako. Nag-email pa sa akin tungkol sa problema niya sa gabi tungkol sa asawa niya! (Chaka-kan ako, ha… meron pala nun sa tutuong buhay?!?!?) Eha no pa ba ang gagawin ko, sinagot ko yung email pero sa huli sabi ko “Salamat sa sulat, lumaki ng ilang pulgada pa ang mundo ko. Pero sa susunod, kay Dr. Holmes ka na talaga sumulat, eto ang email nya…”

So eniwey-haywey, ang punto ng istorya, kung may problema kayo at gusto nyong bigyan ng kasagutan, sumulat lang kayo kay Ate Sienna. Hindi naman kailangang malungkot na kwento. Pwedeng hindi nyo alam kung ano ang solusyon sa balakubak o assignment nyo sa english o sa ka-eskwela nyong hingi ng hingi ng baon nyo, sa gay lover nyo na hindi na kayo pinapansin, sa presyo ng Sarsi, sa mahal ng gasolina o sa allowance nyong hindi kasyang pambili ng kamote fries. KAHIT NA ANO!! (Sige na nga, pati tungkol sa problema nyo sa gabi ng asawa nyo kung ikalalawak ng mundo ko).

O sya, hindi ko kayo hihingan ng 5 resealable caps ng Sarsi this time dahil kung may katanungan kayo, mam-rublema pa ba kayo kung saan kayo pupulot ng tansan???

Nagmamahal,
Ate Sienna

(Nakita 10366 beses ng 2967 bisitors)