Bad Girl Ka Ba?
(Samo’t-sari Isyu 6, July 18, 2002)
“Stop making the same old stupid mistakes and start making new ones.”
Tanungin man ako ng paulit-ulit at pabali-baligtad kung gusto kong maging babae ulit sa susunod kong buhay, pasirko-sirko at panik-panaog ko pa ring sasagutin na “OO!” Proud akong maging mujer, ipangangalandakan ko ang pagiging girlash ko, at iwawagayway ko ang balakang ko sa buong mundo!
Bakit feel ko ang maging Eba kesa Adan? Enjoy akong magbihis – magsuot ng magandang damit, mag-high heels at mag-make-up pero hindi naman magmukhang ika-apat na miembro ng Boyoyong Clowns. Gustong-gusto kong tratuhin ako na babaing-babae pero bubuntalin ko ang magsabi sa akin ng “Babae ka lang!”. Gagamitin ko ang lahat ng aking girlish charms sa sinumang kausap ko – mapababae man o mapalalaki, pero ipinapakita ko rin sa kanila na kayang kong gawin lahat (maliban ang mag-produce ng semilya).
Para sa akin, dalawa ang klase ng babae – yung good girl at yung BAD girl. Ang good girl, sumusunod sa lahat ng ideya ng lipunan sa kung ano ang “dapat” na i-akto ng isang babae. Dapat magaling sya sa ginagawa nya pero hindi over to the max na ma-i-intimidate nya ang iba. Dapat hindi nya iniisip ang sarili nya at puro ibang tao ang inuuna nya. Dapat marunong syang magsilbi sa kanyang boypren, asawa, anak, biyenan, atbp at huling sisilbihan ang sarili. Hmmm… Good girl?!?!?! NO TEYNK YU!!!!
Ako? Bad girl ako at frawd akong sabihin yon! Ang bad girl ang babaeng alam ang gusto nya at alam nya kung paano yon makukuha. Siya ang gumagawa ng sarili nyang mga “rules en reguleyshens” at hindi sya bumibigay sa reguleyshens ng iba basta-basta kung hindi kayang i-justify sa kanya yung mga rules na yon. Frawd sya kung ano sya at hindi sya nag-so-sorry sa kung ano man na hindi sya. Mahal nya ang sarili nya – kung ano man siya at kung ano ang itsura nya. Confident sya sa buhay nya at alam nya kung paano magsaya at mag-pasaya ng iba. Hindi sya nalulungkot kung wala syang Mhin (lalake, loka!) sa buhay dahil alam nyang hindi yon dahil sa kanya kundi hindi palang dumarating ang lalaking karapatdapat na bigyan nya ng atensyon nya. At kung may boypren man sya, alam nyang she deserves only the best from him – no questions asked, at kung hindi yon ang nakukuha nya sa boypren nya, ay, goudbay-laway na si boypren. Maraming lalaki dyan! Ang bad girl ay ikaw, sino ka man, ano man ang style mo sa buhay!
Sa maniwala kayo’t hindi, mga kabaro ko, lahat ng babae may bad girl side. Minsan hindi mo ito nararandaman pero nanduon sya. Tingnan nyo na lang yung mga ficstures nyo nung maliit pa kayo. Nung mga panahong paslit pa kayong naglalaro sa kalsada at wala kayong pakialam kung madungis na kayo o tumutulo ang uhog nyo. Pansinin nyo yung mga ngiti ninyong may pagkamaldita, yung bang mga mukhang walang takot na malaman kung ano talaga ang gusto nya. Hindi ibig sabihin na porke’t bad girl ka, lahat ng labag sa batas eh gagawin mo na. Ang pagiging bad girl ay ang pagsira sa lahat ng ilusyon ng lahat ng tao ng dapat i-akto ng isang babae at respetado mo pa rin ang sarili mo pagising mo bukas ng umaga. Kapag nasindihan mo na ang ilaw ng pagiging bad girl mo, may boses sa loob ng utak mo na magsasabi sa’yong “Trust yur instinks! Let’s go-sago!”.
Da pers istep to being a bad gerl is tu say “NO!”. Pag-aralan mong sabihin yon sa boss mo, sa boypren mo, kahit sa mga kaibigan mo. Paano mo masisimulang kunin ang mga gusto mo sa buhay kung bising-bisi kang kakaikot sa pag-gawa ng gusto ng iba? Medyo mahirap sabihin yon sa una pero kung uunti-unti mo ang praktis, madali mo rin itong matututunan. Eksampol: Kapag tinanong ka ng dentista mo kung ok ka, sabihin mo “NO!” kahit na tutuong super-ganda pa ng gising mo nung umagang yon. Kung nasa isang kapihan ka o nandito ka sa pansitan.com at kumakain ka ng mag-isa dahil feel mo lang, at may lumapit sa’yo at sabihing makikiupo sya, sabihan mo ng “NO!” – walang eksplaneyshen – walang sorry-sorry!
Turn-off daw ang babaing desididong makuha ang gusto nya? Sabihin nyo sa kanila, ala-Korina Sanchez, Hoy, gising! Huwag kang ma-afreyd na kunin ang gusto mo. Kung hindi mo ma-satisfy ang sarili mo, eh wag mong asahang masatisfy ka ng iba!
Pero ikanga nila, “Everything changes except change itself”. In ader werds, kahit ang mga gusto mo sa buhay ay nag-iiba. Kaya’t lagi mo lang tanungin ang sarili mo, check-in mo lang ang pulso mo palagi at laging tandaan ang nasa kabilang dulo ng corridor – ang masayang ikaw! Hindi mo naman kailangang laging alam ang gusto mo sa buong buhay mo – kailangan lang na alam mo ang gusto mo ngayon na! Ika nga ni bad girl Sampaguita – “Join na lang kayo.. let’s all have a good time!”
(Nakita 1339 beses ng 226 bisitors)
