(Samo’t-sari Isyu 5, May 27, 2002)
“Don’t say you love me unless you really mean it, because I might do something crazy like believe it!”
- Anonymous

Ola! Kamusta na kayong lahat? Siguro alam nyo na na espeysyal itong edishen natin na ito. Kumbaga sa halo-halo, may ice cream sa taas. Bakit kanyo espeysyal? Una, dahil didikeyted ang isyu na ito sa kapatid kong si Patring na ikinasal kay Cholo nung Febrero at pangalawa dahil buwan ng pag-ibig last mant (huli man daw at magaling…).

Ispiking of kasalan, alam nyo ba na hindi Hunyo ang pinakapaboritong buwan ng mga nagpapakasal na Pilipino kundi Disyembre hanggang Enero? Ang hula ko, dahil maganda ang dekorasyon ng simbahan kapag Pasko kaya mas maganda sa mga weyding fictyurs. Kung hindi man dahil dun ay dahil malamig ang simoy ng hangin ng mga buwan na ito at masarap ang may kaakap. (hayy… naalala ko na naman si Andres ko.)

Sa Amerika, ayon sa nakagawiang tradisyon, ang babae ang gumagastos ng halos lahat ng bagay sa kasal. Na kabaligtaran ng sa Pilipinas – lalaki ang gumagastos. Pero ngayon, hati na ang babae at ang lalaki sa gastos ng kasal. Kung ako ang tatanungin ninyo, mas gusto ko na konti lang ang gastusin sa kasal at i-taon na lang ang pera para sa kinabukasan ng mag-asawa. Pero, ako lang naman yon…

Madalas, for video’s sake na lang ang pag-papa-agaw ng bride ng kanyang bouquet. Marami sa kanila, inaalay ang kanilang mga bulaklak sa simbahan, o nilalagay sa puntod ng namayapang mahal sa buhay. Marami na rin akong kilala na pinapa-professionally preserved ang kanilang mga bulaklak at kinakwadro.

May nakita na rin ako na isang pares ng sponsor lang ang nagsilbing veil, candle at cord sponsor. Hindi ako sigurado, pero parang Pinoy lang ata ang may ganitong mga sponsors. Um-atend ako ng kasal ng kapatid ni Andres ko at wala akong napansin na ganitong tradisyon sa kasalang yon.

Huwag ka raw magbibigay ng mga kutsilyo o ano pang mga kasangkapan na matulis o matalas dahil magkakahiwalay raw ang mag-asawa. At kung meron ngang matanggap na ganitong regalo, kailangang raw magbigay ng maliit na halaga (piso o mamera) ang bagong kasal sa nag-regalo para lumabas raw na “bili” ito at hindi “regalo”. Pero ang arinola, ok na ok raw yan dahil maswerte raw. Maswerte rin daw kung magbabasag ang bagong kasal ng isang bagay sa reception. Malas daw ang magsuot ng perlas ang bride dahil puro luha raw ang idudulot ng pagsasama. Wag mo rin daw ihuhulog ang singsing, belo o ang aras habang kinakasal, malas rin daw yon.

“Something old, something new, something borrowed, something blue and a sixpence in her shoe”. Alam na alam ng mga brides ito. Ang kasabihan kasi, ang “something old” ibig sabihin nun, lahat ng friendship bonds ng mag-asawa eh mananatiling mga friendship bonds por-eyver. “Something new” para naman sa fyutyur health, happiness at success. Pagkakataon na raw ng pamilya na makapagpahiram ng isang mahalagang bagay sa “something borrowed” pero kailangan na ibalik ito ng bride para maswerte raw. Nagsimula naman raw ang “something blue” nung naglalagay ang mga Israel na babae ng asul na ribbon sa mga buhok nila na simbolo ng katapatan. Ang sampera sa sapatos ng bride ay simbolo rin daw ng kaginhawaan sa darating na buhay may-asawa. (Pa-ginhawa kaya ng pa-ginhawa ang buhay ng mag-asawa depende sa laki ng perang ilalagay sa loob ng sapatos?)

Sign of fertility raw ang pagsabog ng bigas sa bagong kasal habang palabas ng simbahan. Ngayon, hindi na ginagawa ito kasi nga ang mahal ng bigas, ah! At nakakasakit pa raw ng tyan ng mga ibon. Ngayon, confetti na lang o bulaklak ang sinasabog nila. Ang bagong kasal ang unang naghahati ng wedding cake as a sign daw of “sheyring deyr layf tugeyder”. At nakikikain naman ang mga bisita ng maliit na cake para swertihin sila. O, para sa mga dalaga, maglagay raw kayo ng maliit na piraso ng wedding cake sa ilalim ng unan ninyo at mapapanaginipan nyo raw ang magiging asawa ninyo. (hmmmm… kailangan kayang i-plastic muna ang cake para hindi naman madumihan ang punda mo?!?!)

Saksakan ng daming pamahiin at kasabihan tungkol sa kasalan. Dahil siguro lahat tayo gusto nating maging mapayapa, maginhawa at tahimik ang buhay ng kamag-anak o kaibigan nating bagong kasal. Una tayong nalulungkot kapag nalalaman natin na sila’y nag-aaway o mas malala, kung nagnanais na na maghiwalay. Hindi madali ang buhay may-asawa. Palagay ko nga, isa ito sa pinaka-malaking responsibilidad na pwedeng daungin ng isang tao. (Isama mo pa ang responsibilidad ng pagkakaroon ng anak.)

Narito pa ang ilan sa mga nahalungkat ko pa na mga suferstishens tungkol sa pagpapakasal:

1. Malas na makita ng groom ang bride bago sya mag-”wok dawn da ayl”
2. Ang bride lang ang dapat na naka-puti sa araw ng kanyang kasal. Bakit? Dahil siempre araw nya yon, ano?
3. Maswerteng ikasal ng isa o dalawang araw bago mag-full moon. Ang iba naman, maswerteng ikasal habang new moon. Pero malas daw ang ikasal kapag patapos na ang ikot ng buwan.
4. Kung umulan raw ng umaga ng kasal mo, mag-sabit ka ng rosaryo sa sampayan mo at siguradong magiging ma-araw sa oras ng kasal mo.
5. Kasabihan ng mga Intsik, maswerte raw ang pula. Kaya’t ang mga dekorasyon nila, mga envelope na lalagyan ng perang regalo at kahit ang gown ng bride ay pula. (parang ginawa na ni Maricel Soriano ito sa isa sa mga pelikula nya, naalala nyo ba?!?!)

(Nakita 9067 beses ng 2178 bisitors)