(Feyvorit Pansit Isyu 1, January 6, 2002)

Ang Pinoy, maraming version ng pansit. May pansit-canton, pansit luglog, pansit palabok, pansit malabon (teka, ano nga ba ang pinagkaiba nung tatlong huli???), pancit molo, pancit bihon, pancit buko, pancit lomi, pancit guisado, pansit miki, sotanghon. Yung bachoy ni lolo ko may sontanghon pa nga na sahog… Pag nag-birthday ka, kailangan may pansit. Ang nanay ko may dialogue pa yan minsan na “Kahit man lang pansit maghanda ka sa bertdey mo, pampahaba ng buhay yan”. Kaya ang Pinoy, hindi party pag walang pansit sa mesa… parang may kulang. Kung ang mga african-american brothers en sisters natin (o, ano ka, politically-korek ang pansitan.com) fried chicken, corn bread ang mga “soul food” nila, sa Noy-pits, pansit at adobo naman ang “soul food” natin.

I wish may masabi akong profound parallelism tungkol sa pansit at sa buhay… hmmmm…. *isip*, *isip*, wala akong maisip, eh. Ang masasabi ko lang eh yung mga pansit na memorable sa buhay ko.

Isa na dun yung mananahi ng lola ko na nanggagaling pa ng Malabon araw-araw papunta sa bahay ng lola ko sa Singalong. Si Aling Rosa (SLN), natatandaan ko yon, twing dumarating may supot na yon na pasalubong sa amin na Pansit Malabon. Yung nakabalot pa ng dahon ng saging na triangle ang hugis ng pagkakabalot. Grabe!! Original pansit malabon talaga. Naalala ko tuloy yung mga panahon na yon. Lola’s girl kasi ako. Sa kwarto ng lola ko ako natutulog magmula Lunes hanggang Byernes kasi si Lolo dear ko (SLN) nagtatrabaho nun sa base sa Subic. Ang hilig ko nun, habang nagtatabas ang lola ko sa narra naming mesa na malaki, nasa ilalim naman ako ng mesa at naglalaro ng Barbie ko. (iba pa ang itsura ni Barbie nun, maiksi ang buhok atsaka mas pandak). Yung mga retaso nya na tela, ginagamit kong damit ni Barbie. Kaya hindi alam ng mga mananahi ni lola dear, lahat ng tsismis tungkol sa mga buhay-buhay nila alam ko. Ultimo lovelife ni Aling Flor dun sa mystery boypren nya, alam ko. Not to mention, panay ang kain ko ng pansit malabon, ako na lang minsan ang nakakaubos nun.

Pag nakakakita ako ng pansit lomi, ang naaalala ko si lolo dear ko, feyvorit nya yon. Nakooowwwwwww kasarap pu kamu nun maglutu! (Kapampangan kasi si Lolo dear kaya ganun ang punto). Lab na lab ko si Papang (official tawag kay lolo dear). Ang sarap-sarap nun magluto. Ka-jamming ng barkada kong si Portia (hindi nya tutuong pangalan) yon tungkol sa mga tele-nobelang “Pangako sa’yo”, “Hanggang sa Dulo ng Walang Hanggan”, “Ikaw lang ang Mamahalin”. Updated si Lolo dear ko dun.

Pero ang pinakapeborit ko eh yung pansit palabok ng nanay ko. Day, super yon! Lahat ng sahog, lahat ng sangkap – KUMPLETOS RECADOS! Magmula sa noodles hanggang sa pusit, sa chicharon, sa malaking hipon, tinapa, itlog, gulay.. name it, nanduon! Kaya naman kapag nagpaparty sa mga kaibigan, ang toka nya – pansit palabok at lumpiang sariwa (isa pa yon!). Kahit na anong gawin ko, hindi ko magaya yung pansit ni madir. Palagay ko kasi si Madir, pag nagluto ng palabok may matching emote yon. Kumbaga “Made with love by Mader”. Kaya ko ba yon???

Maraming version ng lahat ng klase ng pansit. Kasing dami ng mga nagluluto ng pansit. Kanya-kanyang style yan eh. Ito, version ko ng pansit canton. Si Andres ko, type na type nya ito, (Sabagay, lahat ng lutuin ko, gusto nun, hindi kasi yon nagluluto.)

Ate Sienna’s Pansit Canton

1/4 k hipon
1 chicken breast, hinimay
cooking oil, sibuyas, bawang pang-gisa
patis
pamintang durog
2 atay ng manok, pinakuluan at hiwa-hiwa
1 magi chicken cube
1 1 /2 cup tubig
1 cup dried mushroom, binabad sa tubig ng 20 minutos at hiniwa ng pahalang
1 maliit na carrot, hiwa ng pabilog
1/4 k Chinese egg noodle (canton, ano pa ba???)
calamansi o lemon

Igisa ang bawang at sibuyas.
Idagdag ang hipon at manok.
Timplahan ng paminta at patis
Ihalo ang atay ng manok
Haluan ng tubig at maggi chicken cube
Idagdag ang mga gulay. Pakuluan hanggang maluto ang gulay pero wag hahayaang malabsak.
Ihalo ang noodles hanggang maluto.

Pwede nyo nang ihain ito, samahan ng calamsi o lemon. Solb na ang hapunan ninyo.

(Nakita 12355 beses ng 3472 bisitors)