Popoy’s Instant Pansit Canton
(Pansit Issue 4, May 23, 2002)
Na-aalala nyo siguro ang mga pamangkin kong sina Popoy at Mokong. Nababanggit ko na sila sa mga lumang isyu ng Pansitan.com. Mga anak sila ng kapatid kong si Greta na sumunod sa akin. (Hindi mo pa nababasa ang mga lumang isyu?? Darleng, natutulog ka na naman sa pansitan!)
Mag-fo-four na si Popoy at magta-tatlo si Mokong. Delubyo yung dalawang yon kapag nagsama! Magkasunod kasi ng edad kaya kung ano yung gusto nung isa, yun ang pilit na inaagaw nung isa. Sabihin mo pang dala-dalawa lagi ang bili mo para hindi nga mag-away, kung ano yung hawak ni Popoy, yun din ang type ni Mokong at bise-bersa. Kaya’t madalas pinaghihiwalay yung dalawang yon – si Mokong sa ibabang kwarto at si Popoy sa taas, sa kwarto nila. Pero kung hindi naman magkasama, hanapan naman ng hanapan. Kapag natagpuan nila ang isa’t-isa, labing-labing yan sila sa umpisa. Pero magsimula ka nang magbilang hanggang sampu. Hindi ka pa tapos, nagsimula na ang ikatlong giyera mundial. Kaya si Greta, hayun, halos mapatid ang litid sa kakasaway sa mga anak nya.
Si Popoy ang official na inaanak ko. Pero pareho sila’ng ang tawag sa akin eh “Ninang Ganda” (O, wag ka nang kumontra!) Magaling mang-uto ang mga kolokoy. Mas lalo na si Popoy. Nag-bonding kami ng husto nun nung umuwi ako sa ‘Pinas. Panay ang entertain sa akin magmula day 1. Andyang, “Ninang, teynk yu por da cay (car)” o “I want tu sit besayd Ninang”. (Sayd koment: Kung nagtataka kayo bakit Ingles ang salita nung dalawa at hindi Pilipino, nakuha kasi namin yang sistemang yan kay inang. Nung maliliit kami, Ingles din kami kung kausapin kasi para daw paglaki, tama ang pagsalita namin ng Ingles. Ang Pilipino raw kasi siguradong matututuhan kapag pumasok na sa eskwela at nakahalubilo ang mga kaklase at kalaro. Hindi ko alam kung epektibo pero hindi naman sa pagyayabang, maayos naman kaming mag-ingles na magkakapatid – tama ang grammar at pronounciation. Malay ko, pero jas da seym, ganun na rin ang ginawa namin sa dalawang bata.)
Mabalik tayo kay Popoy… Unang araw ko pa lang nga, talagang sipsip na sa akin yun. Panay ang kwento ng kung ano-ano – yung skul nya, si Mokong, at lahat ng laruan pinapakita sa akin. Pangalawang araw, aba, inutusan na ako… “Ninang, ken yu meyk me juice?” o “Ninang, I want water plis”. Sunod naman ako, siempre sabik sa pamangkin, nagpauto ako. Kahit saan eh nakabuntot sya sa akin, mawala lang ako sa paningin, hinahanap na ako. Eto na, pangatlong araw, nanunuod kaming dalawa ng “Laban o Bawi” sa Eat Bulaga kasama ang maid of honor namin na si manang. Eh kumukulo pala ang tyan sa sobrang kain ng pansit kanton nung tanghali, nag-anawns sa madla, “I want tu meyk pupu”. Tayo naman ang Manang para nga samahan sya sa banyo, aba, iling ng iling at sabay sabi “I want Ninang onli!!!” Utangnaloob! Pa-amoy pa ba sa akin ang pinagkaipon-ipon nya sa tyan nya?!?!? Kesa umiyak at pilipitin ng husto ang binti sa pagpigil, go na kaming dalawa sa banyo.
“Buti nga nagpa-hugas sa’yo. Hindi nagpapahugas yan kung kani-kanino lang,” sabi ng ina. Ganun?!?! So dapat pala, feeling honored pa akong gawing taga-hugas ng…! Sige na nga… Kahit na pagkatapos ng unang bes na yon eh ako na ang official nyang taga-hugas.
Pinasok ng mga magulang si Popoy sa pre-school sa Cubao. Para lang daw matutong maki-halubilo sa ibang bata sabi ng ina bago pumasok sa tutuong eskwela. Nung minsan, may school program – Linggo ng Wika. Magsasayaw ang buong klase ng itik-itik. Praktis-praktis pa silang mag-ina ng sayaw sa bahay. Nung araw ng program, kuntodo kamisa de chino at pulang pantalon pa si Kulit. Gwapo-gwapo – with matching gel pa ang buhok. Aba, nang tinawag na ang klase para mag-dance number. Ayaw umakyat ng Popoy. Nagka-stage fright. Siempre ang ina, disappointed, kunyari naggalit-galitan. Napraning ang Popoy at ang sabi “I’m sorry, mom.. tomorrow, pramis, I will dance na the itik-itik!” Ngek, bukas daw, eh wala nang program bukas!
Kapag may importanteng lakad si Greta ako ang nagpapatulog sa tanghali kay Popoy. Ang gusto nya hihimasin nya siko mo habang nagpapaantok sya. Kapag talagang patulog na sya, sasabihin nya sa’yo “Lab my back.” Ibig sabihin nun habang nakatalikod sya sa’yo, yapusin mo sya.
Ang hilig ni Popoy, kotse. Sandamakmak ang hot wheels at matchbox nun. Lahat ng logo ng mga kotse alam nya – Mitsubishi, Toyuta, BM, Mesenes Bens, Honda. Pati model alam nya. Kung titingnan nyo ang mga litrato nya, madalas yun may hawak na kotse-kotsehan. Ang bag nyang pamasok laging may kotse din sa loob yon. Kahit pa natutulog yon – tipong security blanket nya. Ang lagi nyang bilin kay itang ko, hot wheels.
Overweight daw si Popoy, sabi ng pediatrician nya. Ober ha, hindi naman! Malusog lang sya atsaka siksik. Sabagay, wala namang hinindiang pagkain. Pero ang pinakapaborito nun, instant pansit canton. Yun ang binabaon sa skul, pagkain sa meryenda, basta maisipan.
Sa Pebrero, kasal ni Patring, makikita ko ulit ang mga pamangkin ko. Excited na ako. Mararanasan ko na naman ang kakulitan at pagkabandido ni Mokong at ang paglambing ni Popoy. Ngayon pa lang naririnig-rinig ko nang sasabihin sa akin ni Popoy “Ninang, meyk me pansit canton, plis.”
Instant Pansit Canton
1. Magpakulo ng tubig. Ihulog ang pansit, intaying lumambot.
2. Tanggalin sa kalan at salain ang tubig.
3. Ihalo ang mga nakasupot na sangkap sa noodles.
Masaya na si Popoy!
(Nakita 1778 beses ng 227 bisitors)
