(Natawa Ako Issue 3, February 17, 2002)

Aym syur… hindi lang isa sa inyo ang nakatanggap na ng mga kamag-anakan ng questionnaire sa ibaba na ang title ng email eh parang “Jologs Ka Rin Ba?”. At mas lalong aym syur, marami kayong nasagot na tama at hindi nyo matanggap na alam nyo dahil ayaw nyong masabi na jologs nga kayo.

Tinanong ko si Patring, kapatid kong bunso, kung paano nag-originate yung salitang yon. Siempre, true to form na nagmamarunong (nagmana sa Ate), seryosong nag-explain naman ang geygah habang kausap ko sa telepono.

“Yung ‘JO’ galing dun sa pangalan ng feyvorit mong artistang mala-ninja turtle na GF ni Donatello, yung ‘LOGS’ yung mga fans daw nya yon. Sinimulan ng mga konyo yan na pantawag sa mga taga-pablik o yung galing sa eskwela nung ngang gerlpren ni Donatello o yung tipong ‘pipol op da pilipins’” Mabait si Patring, pero alam ko yung tutuong ibig nyang sabihin ng “pipol op da pilipins” – “masang-masa ang dating”. (Nagpapaka-politically-correct ang loka-loka!)

“Pero ngayon, hindi lang yon ang ibig sabihin nun.” ani pa nya. “Kung kunyari alam mo lahat ng miyembro ng That’s Entertainment o ‘Bagets’ 1 at 2 o kung ano-ano pang walang katututurang at hindi pagkakakitaang trivia ng 70s at 80s na pampelikula, TV at komiks, jologs na rin ang tawag sa’yo. Kaya ikaw, Ate Sienna, JOLOGS ka kasi kilala mo ang lahat ng miyembro ng ‘Apat na Sikat’ atsaka ‘D Sensation’. Eh ako nga hindi pa ako buhay nun!” O diba, nang-insulto pa ang ‘langhiya! ‘Wag ko kayang bigyan ng regalo para sa kasal nya sa Pebrero?!?!?

Grabe, jologs din pala ako. Eh bago pa mandin lumabas yung questionnaire na yon sa i-meyl, nag-qui-quiz na kami ng ganun sa IRC sa #manila channel ng lumang quarterdeck. (Hehehe, kung yun ang basis, mas jologs pala sa akin sina “Moog” at “Coke” at “Usok” kasi mas maraming alam yung mga yon, ultimo yung “Eumorpho – Lakas Tao” ni Gerry Geronimo).

Dagdag-asar pa ng kapatid kong si Greta na nakikinig pala sa extension na telepono, “Ikaw nga, Ate Sienna, pati dialogue sa sine nila Sharon, Vilma, Nora at Maricel pati kung saang pelikula galing yon alam na alam mo. Wag mo’ng ipag-kaila, binuko ka ni Usok sa akin nung ka-chat ko sya!” (Sasabat lang, mambubuska pa!)

“Hehehe, Alam nyo, ang bait-bait nyong dalawa talaga,” di na ako nakatiis, “Sana kunin na kayo ni Lord!”

So ang jologs, pwedeng ang tinutukoy ay ang mga bakya, mga hindi conyo o ang mga taong maraming alam na walang katuturan. Dun sa huliing grupo, kung mapapansin nyo, parang iisang grupong generation lang ang talagang nakakaalala ng mga walang kakwenta-kwentang mga bagay na yan – yung mga nasa edad 30-40. Ang mga nasa unang sampung taon (1961-1972) ng Generation X (1961-1982). At alam nyo kung bakit? Nabasa ko sa isang libro na ang mga Generation X’ers ang unang lumaki at pinalaki ng TV. Sila ang mga batang nagsisilaki ng magsimulang magtrabaho ang mga ina. Kaya’t madalas pagkagaling sa eskwela, wala silang inaabutang tao (mga maid lang siguro, kung meron) kung kayat TV ang nahaharap nila. Nung panahon din nila unang nauso ang Betamax at VCR kaya mas madali at mas mura na ang panonood ng sine. So walang nanay na mag-aasikaso, isa pang nakalakihan nila ay ang mga yaya nila. At siempre kung si yaya ang laging kasama, alam nila lahat ng hilig ni yaya – komiks, fan magazine, drama sa radyo, tele-serye, variety show, atbp.

Kayo? Kung pinanganak kayo ng mga taong yon ng 1961-1982, malamang, hindi lang kayo generation x’er, jologs pa kayo! Gusto nyo bang malaman kung full-pledged jologs/generation x’er nga kayo? Subukan nyong saguting ang mga tanong sa ibaba at tingnan nyo kung ilan sa mga katanungang yan ang makakagulat sa inyo na alam nyo pala!

Ate Sienna’s Test Your JQ (Jologs Quotient hindi Joe Quirino!)

1. Ano ang pangalan ng 1974 na Miss Aruba na gumawa ng pelikulang “Miss Aruba Went to Town”? Sino ang katambal nya dito?
2. Sino ang host ng unang “Penthouse 7″ bago sina Pops and Martin?
3. Ano ang pangalan ng dance group na painanggalingan at kung saan tumanyag si Jojo Alejar?
4. Ano ang acronym na pangalan ng TV show ni Sharon at Helen Gamboa? Ano ang ibig sabihin ng acronym na yon?
5. Ano ang kanta sa side B ng 45rpm na plaka ni Sharon Cuneta na “Mr. DJ”?
6. Ano ang pangalan ng TV show ni Eddie Ilarde na tipong “Maala-ala mo Kaya” ni Charo Santos? Sino ang kumanta ng theme song?
7. Ano ang TV show na pre-programming sa “Student Canteen” na ang host ay si Eddie Ilarde at Helen Vela?
8. Anong ang pangalan ng pelikula ni Gloria Diaz kung saan sa notorious na trailer ay nakasuot lang sya ng sando, walang bra at nakasakay sa kabayo? Sino ang katambal nya dito?
9. Ano kaisa-isang pelikula ni Tina Revilla? Sino ang Indian national na katambal nya?
10. Ano ang gay music group na kumanta ng “Badaf Forever”?
11. Sino ang direktor ni Sharon Cuneta sa “Dear Heart”?
12. Ano ang pangalan ng TV show kung saan unang tumanyag si Nino Muhlach? Sino ang host ng programang ito?
13. Sino ang katambal ni Perla Adea?
14. Sino ang tinaguriang Betamax Queen?
15. Kung si Sharon ay megastar, sino ang tinaguriang…
a. Shining Star?
b. Star for all Seasons?
c. Diamond Star?
d. Superstar?
e. Falling Star?
16. Ano ang unang pelikula ni Maricel Soriano? Sino ang kasama nya rito?
17. Bukod kay William Martinez, sino ang isa pang katambal ni Maricel Soriano sa “Galawgaw”?
18. Sinong softdrink beauty ang na-rape? ang nagpakamatay?
19. Hindi lang pang-jologs. Sabihin kung anong bagay ang mga brand na ito:
a. Choco-Vim
b. Teem
c. Beatles
d. Bigboy
e. Greg
f. Tagumpay
g. Bantex
h. Aliwan
i. Kilometrico
j. Prell
k. Ola
l. Caronia
m. Texas
n. Cattleya
o. Angel Face
p. Yco
q. Crispa
r. Y.C.
s. 3 Flowers
t. Klim

Abangan ang sagot sa susunod na issue. Joks lang. Eto na.. kayo naman, ‘di mabiro.

1. Ano ang pangalan ng 1974 na Miss Aruba na gumawa ng pelikulang “Miss Aruba Went to Town”? Sino ang katambal nya dito?
Maureen Ava Viera. Si Francis Arnaiz ang katambal nya.

2. Sino ang host ng unang “Penthouse 7″ bago sina Pops and Martin?
Si Archie Lacson (Remember Mike Monseratt, Ray-Ann Fuentes, Sandi Hontiveros at Ida Ramos – ang asawa ni Ronnie Henares.)

3. Ano ang pangalan ng dance group na painanggalingan at kung saan tumanyag si Jojo Alejar?
The Tigers, regular dance group sila ng Penthouse Live! ni Pops and Martin

4. Ano ang acronym na pangalan ng TV show ni Sharon at Helen Gamboa? Ano ang ibig sabihin ng acronym na yon?
C.U.T.E. – Call Us Two for Entertainment

5. Ano ang kanta sa side B ng 45rpm na plaka ni Sharon Cuneta na “Mr. DJ”?
“Tawag ng Pag-ibig”

6. Ano ang pangalan ng TV show ni Eddie Ilarde na tipong “Maala-ala mo Kaya” ni Charo Santos? Sino ang kumanta ng theme song?
Napakasakit, Kuya Eddie. Si Roel Cortez ang kumanta.

7. Ano ang TV show na pre-programming sa “Student Canteen” na ang host ay si Eddie Ilarde?
Swerte sa Siete

8. Anong ang pangalan ng pelikula ni Gloria Diaz kung saan sa trailer ay nakasuot lang sya ng sando at nakasakay sa kabayo? Sino ang katambal nya dito?
Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa. Kasama nya si Vic Vargas.

9. Ano kaisa-isang pelikula ni Tina Revilla? Sino ang Indian national na katambal nya dito?
Funny Girl, kapareha nya si Sadjit Khan

10. Ano ang gay music group na kumanta ng “Badaf Forever”?
Chariing

11. Sino ang director ng “Dear Heart” ni Sharon Cuneta?
Danny Zialcita

12. Ano ang pangalan ng TV show kung saan unang tumanyag si Nino Muhlach? Sino ang host ng programang ito?
Ariel After Six hosted by Ariel Ureta

13. Sino ang katambal ni Perla Adea?
Romy Mallari

14. Sino ang tinaguriang Betamax Queen?
Vivian Velez (actually, dalawa sila, Si VV dahil may lumabas syang betamax tape nila ni Farinas at si Vilma Santos sa tsismis na may betamax tape daw sila ni Romeo Vasquez)

15. Kung si Sharon ay megastar, sino ang tinaguriang…
a. Shining Star? Alma Moreno
b. Star for all Seasons? Vilma Santos
c. Diamond Star? Maricel Soriano
d. Superstar? Nora Aunor
e. Falling Star? Kris Aquino, dahil nahulog sya sa stage ng isang awards ceremony

16. Ano ang unang pelikula ni Maricel Soriano? Sino ang kasama nya rito?
Underage, kasama nya si Snooky at Dina Bonnevie

17. Bukod kay William Martinez, sino ang isa pang katambal ni Maricel Soriano sa “Galawgaw”?
Edgar Mande

18. Sinong softdrink beauty ang na-rape? ang nagpakamatay?
Na-rape si Pepsi Paloma, nagpakamatay si Sarsi Emmanuel

19. Word association. Sabihin kung anong bagay ang mga brand na ito:
a. Choco-Vim Chocolate Drink
b. Teem softdrink
c. Beatles biskwit na may peanut butter na palaman
d. Bigboy bubble gum
e. Greg sapatos na pamasok
f. Tagumpay leather na sandalyas gawa sa Marikina
g. Bantex Sapatos na rubber
h. Aliwan Komiks na tagalog
i. Kilometrico Ballpen (“writes thousands and thousands of words”)
j. Prell Shampoo
k. Ola baretang pink na panlaba
l. Caronia nail polish (ikabupini, manicura.. it’s Caronia!
m. Texas bubble gum pa rin kasama ng Tarzan
n. Cattleya notebook
o. Angel Face face poweder
p. Yco floor wax (“sapak ang apak sa YCO floor wax”)
q. Crispa T-shirt, Basketball team na mahigpit na kalaban ng Toyota. Team ni Atoy Co
r. Y.C. Y.C. Yacht Club, bikini brief na panlalaki
s. 3 Flowers pomada, katulad ng Tancho
t. Klim gatas

(Nakita 10254 beses ng 2820 bisitors)