I Love You, “Joe”…

(Samo’t Sari Issue 3, February 7, 2002)

Ang mga sumusunod ay pansariling opinyon lamang. Nais lamang ng may akda na magbigay ng kanyang kaisipan. Anumang pagkakahawig sa mga tunay na tao, patay man o buhay ay hindi sinadsadya

philradio logo”Oo nga’t kalahati lang ako ng edad ni Joe at hindi sya kagwapuhan. Mukha naman syang mabait sa litrato atsaka sa mga sulat nya. Pati boses nya sa telepono, maganda. Atsaka pag-dating nya dito, pakakasalan na daw nya ako at dadalhin sa Amerika. Mail-order bride ang tawag nila sa akin. Eh ano naman? Kung si Joe naman ang magiging sagot sa mga pangarap ko na makarating sa Amerika, kahit na ano pa ang itawag nila sa akin, wala na akong pakialam!” - Luisa, 22, Surigao del Sur.

Mail-order brides. Alam naman siguro natin ang ibig sabihin nun - mga babaing naka-anunsyo sa mga katologo o mga penpal websites na naghahanap ng mapapangasawang “foreyner”. Nung araw, kapag ang isang binatang Koreano o Hapon na nakatira sa Amerika o Canada ay gusto ng mag-asawa, susulat sila sa mga kamag-anakan nila sa bayan nila para padalahan sila ng mga litrato ng mga babaing pwede nilang pakasalan. Batay sa mga litrato at kaunting impormasyong ibibigay ng kamag-anak, mamimili sila ng gusto nila, pakakasalan nila at dadalhin sa bansang kanilang kasalukuyang tinitirhan. Ngayon, lumawak na ang kahulugan ng katagang “mail-order bride”. Negosyo na ito ngayon na magbabayad ang puting lalaki ng ilang daang dolyar para magiging member ng online-sites o para umorder ng catalog kung saan nanduon ang mga address at litrato ng mga babaeng galing sa iban’t-ibang bansa sa Asia, Latin America, Africa at mga bansang tulad ng Russia, Ukrania, atbp. Ang nakakalungkot na parte, ang pinakamatunog na bansa na pinagmumulan ng mga babaing ito ay ang Pilipinas.

Kung mag-se-search ka sa internet ng salitang “Filipina”, ang ibabalik sa’yo ng search engine mo ay mga mail-order o penpal websites, travel tours sa Pilipinas na ang pinaka-highlight ng byahe ay ang mga bars at strip clubs at ang mas masama porno sites na kasama sa search keywords nila ang salitang “Filipina”. Sa tutuo lang, habang ginagawa ko itong page na ito ng Pansitan, nanlalata ako. Hindi ko malaman kung ano ang gusto kong direksyon ng sinusulat ko - ang mail-order bride phenomenon ba o ang sex-trade industry kung saan kamakalembang din ang salitang “Filipina”? Minabuti ko munang bumalik sa una na syang original na plano ko at balikan sa susunod na isyu ng Pansitan ang pangalawa.

(Teka, bubuntung-hininga lang ako… Ok…) Sadya atang napakahirap na talaga ng buhay sa inang-bayan at lahat ng lehitimong at manaka-nakang ilegal na paraan para mai-angat ang pinansyal na kondisyon ng buhay ay gagawin ng mga Pilipino. Hindi ko sila masisi. Kung ako at marami ko pang kakilala at kaibigan ay lumarga na nga para hanapin ang kapalaran sa ibang bansa at marami pa akong kakilala at kamag-anak na magsisi-alisan na rin, mas lalo na siguro yung mga mas naghihirap pa sa amin. Paano kung ikaw o ang asawa mo ay hindi “skilled” worker o ang propesyon mo ay hindi kailangan sa ibang bansa o wala kang sapat na pera para ipakita sa embassy? Malabong maka-alis ka on your own merit. Kung libre para sa dalagang babae ang pagsali sa mail-order o penpal services, at ikaw pa ang mamimili ng kung sino ang gusto mong mapangasawa, marami talagang mahihikayat na gamitin itong paraan na ito para maka-alis sa Pilipinas.

Pero ilan sa mga babaeng nakakapangasawa sa paraan na ito na naninirahan na ngayon kasama ng mga asawa nilang “puti” ang minalas? Ilan na ang nababalitaan natin na pisikal at emosyonal na inaabuso ng asawa, nagiging sex slaves o mas masakit, napapatay ng mga asawa nila? Ilan na ba ang na-a-anunsyong “nawawala” at hindi na matagpuan? Ito ang dahilan kung bakit nilagdaan ni Cory nung 1990 ang RA 6955 o ang Anti-Mail Order Bride Law (An act to declare unlawful the practice of matching Filipino women for Marriage to Foreign Nationals on a mail-order basis and other similar practices). Pero hindi pa rin napigilan ng batas na ito ang pagdumog ng mga mail-order brides. Inamin ng gobyerno na mahirap mahuli ang mga may-ari ng negosyong ito mas lalo na kung base sa ibang bansa ang kanilang opisina. SA Amerika, hinigpitan na ril nila ang mga requirement nila kung magpe-petition ng fiance o ang K-1 visa. Kailangan mapatunayan ng nag-file kung paano sila nagkakilala ng kanyang kasintahan, ilang beses na silang nagkita ng personal at kinakailangang higit sa dalawang taon na silang magkasintahan. Kung malalaman ng immigration na nagkakilala sila thru an “international correspondence service” (ang tawag ngayon sa mail-order bride services), malamang bagsak na kaagad ang petisyon ng lalaki maliban na lang kung parte ng kultura nya ang “arranged-marriage”.

Ayon naman sa iba ko pang nabasa, marami din naman daw mail-order brides ang sinuswerte at tutuong minamahal at inaasikaso ng kanilang puting asawa. Mas nagiging matunog lang daw yung mangilan-ngilan na minamalas. Sa isang bayong na mansanas, magkakaron at magkakaron daw ng bulok na magpapasama sa buong bayong. Siguro nga, tama sila. Pero bakit may mga nakakalusot? O higit sa lahat, bakit hinahayaang dumating sa puntong may napapatay?

Ayon sa INS sa Amerika, marami sa mga mail-order brides na ito ay pumapasok sa ganitong sitwasyon na hindi nila inaalam kung ano ang kanilang mga karapatan. Alam ko na bago umalis ang babaeng foreyner ang asawa papunta sa ibang bansa, nagbibigay ang Ministry of Foreign Affairs ng compulsary seminar tungkol sa magiging buhay nila sa abroad. Hindi ko lang alam kung ano ang kanilang tinatalakay sa seminar na ito pero sana naman ay kasama rito ang pagturo ng kanilang mga karapatan at mga ahensyang pwedeng tumulong sa kanila kung sakaling mangailangan sila ng tulong at kung ano-ano pang paraan ang pwede nilang gawin para takasan ang anumang pang-aabuso o pagmamaltrato maaaring mangyari sa kanila. Impormasyon - ito ang magiging malaking sandata nila para protektahan ang kanilang sarili.

Pero bukod sa malalagim na pwedeng mangyari, hindi lang ito ang pwedeng sapitin ng mga mail-order brides. Nariyan na rin ang kwestyon tungkol sa mag-kaibang kultura, ang language-barrier, mataas na mga expectations at malaking “culture shock” sa bagong pamumuhay sa parte ng babae. Kung ang tutuong mag-nobyo na pareho ng lahi na ilang taon nang magkakilala ay nag-aaway pa rin tungkol sa personal differences, isipin na lang ninyo ang sitwasyon ng Pilipinang puti ang asawa, nakatira sa ibang bansa at “napilitan” lang na magkaroon ng amor sa asawa kung magkaroon man. Napakalaking stress at pressure ito sa isang babaeng pag nakataon pa ay walang makuhang “support system” sa lugar na pinuntahan nya, wala syang ibang kakilala at nakakahalubilo kundi ang asawa nya. Hindi sila natatala at nababalita, pero ilan sa kanila ang nagkakaroon ng sobrang depression at lungkot at nagsisi kung bakit umalis-alis pa sila?

Pitumpong (70%) porsyento ng mga ng mga babaing nasa katalogo o internet pen-pal services ay mga Pilipinang nais mag-asawa ng puti. Pitumpo. SEVENTY - napakalaking higit sa kalahati ay PILIPINA. Gobyerno ba ang dapat sisihin? Ang gobyernong mukhang wala ng mabigay na lunas sa kasalukuyang economic crisis? Sabi ng ibang Pilipina, hindi naman daw pera. Gusto lang nilang makapag-asawa ng puti dahil mas gwapo raw kaysa Pinoy at mukhang artistang pang-hollywood daw. So impluwensya ba ng media? Maaaring kultura rin. Baka naman talagang kakabit na ng kultura natin ang paghanap ng “American Dream”?

Bakit Pilipina ang gusto ng mga puting ito na mapangasawa? Ayon sa isa ko pang nabasa na website, ang Pilipina daw ay mabait, mapag-asikaso, masunurin sa asawa at hindi tumitingin sa itsura o edad ng lalaking magugustuhan nya. Magpagtiis daw ang Pinay na asawa, hindi nagrereklamo at masipag. May isa pa akong nabasa na mas brutal at ang sabi bukod sa mga naunang katangian, sexy raw at magaling ang Pilipina pagdating sa pakikipagtalik - mas lalo akong nanlalambot. Saan nanggaling itong reputasyon na ‘to ng Pinay? Nagsimula pa ba ito unang dumaong ang mga barko ng Amerika sa Subic at Clark at nakita ng mga sundalong Navy ang mga bars sa Angeles? Gawa kaya ito ng mga sex tours na pinangangalandakan sa internet at sa mga porno na magasin? Nakadagdag ba na may mga pelikulang Ingles na nagpapakita ng mga Pilipina na lumalabas sa smut films tulad ng 8MM ni Nicholas Cage o “Priscilla, Queen of the Desert” na pinalabas sa Australia kung saan may isang Pilipinang asawa ng isa sa mga bida na nagsayaw ng hubad sa isang bar at pinamamalas ang kayang “kaalaman” sa “muscle control”? Saan nanggaling itong mga ideya na ito tungkol sa Pilipina?

Kung napansin nyo bumalik na naman ako sa una kong sinusulat - mail order bride ba o sex-trade industry. Siguro nga, magkadikit ang mga isyu na ito at hindi mo maiisip ang isa nang hindi mo miisip ang pangalawa. Pero pilit kong pinaghihiwalay ang isa sa isa dahil siguro ayokong isipin na ganito na ang tingin nila sa Pilipina. Kinahihiya ko ba? Kinahihiya ko ang iniisip ng ibang lahi dahil makitid ang utak nila pero hindi ko kinahihiya ang mga kabaro ko. OO nga’t hindi ko aprubado ang kanilang ginagawa pero, sino ako para humusga sa kanila? Hindi ko sila pinapakain at hindi nanggagaling sa akin ang kanilang kinabubuhay, sarili nilang desisyon yon at alam nila kung ano ang dapat nilang gawin. Ang sa’kin, tulungan na lang natin sila sa pamamagitan ng paglaganap ng tamang impormasyon na magagamit nila sa oras na mangailangan sila ng tulong nang sa ganun ang kanilang mga desisyon ay wag maging mitsa ng kanilang mga buhay.

Ang isa nyo pang pwedeng gawin, kapag nakaka-punta kayo ng mga website na naglalabas ng hindi maganda tungkol sa mga Pilipina, sulatan nyo sila at sabihin nyong kayo ay Pilipino at ipaglaban ninyo ang mga Pilipinang nilalabas nila sa websayt nila. Pangalawa, kung napapansin ninyo na degrading para sa Pilipina ang nakalagay sa site nila, pwede nyo silang isumbong sa host ng site nila. Marami sa mga webhost na ito ay hindi pumapayag na mag-host ng mga sites na prejudice laban sa ibang lahi. Sulatan nyo ako sa ate_Sienna@pansitan.com at tutulungan ko kayo sa inyong aksyon.

There will always be mail-order brides as long as there is poverty and the lack of other better alternatives and opportunities for women. But what we do with this issue is what makes the big difference.

Leave a Reply

© 2008 Pansitan ni Ate Sienna | Entries (RSS) and Comments (RSS)
Design by Design Your Web Page - Powered By Blog Collector, Wordpress themes