Tumaya Ka Kaya Muna???
(Samo’t-sari Isyu 7, September 25, 2002)
Nakakatuwang maraming sumusulat sa inyong Ate Sienna magmula ng huling edishen ng Pansitan.com. Marami (marami talaga.. unbelibabol!) sa kanila ay nasa Pilipins, pero mas marami (o diba.. sobrang dami!) ay mga kababayan nating nasa ibang bansa. Mga Overseas Filipino Workers o kung tawagin nila’y OFW. Mas gusto ko silang tawaging mga Bagong Bayani ng Bayan dahil yun naman sila talaga - mga bayani.
Hindi ko alam kung alam ng mga nakatira sa Pilipinas kung ano ang pakiramdam ng hindi ka na naninirahan sa sarili mong bayan. Ewan ko sa iba, pero ako, miss na miss ko ang Pinas. Sabihin nang sobrang gulo ng mga tao sa Mindanaw, sobrang daming kere-keredas ng pulitika na hindi mo na alam kung sino ang tutuong naglilingkod sa bayan. Sobrang buhol-buhol na ang trapik na kailangang may baon ka nang unan at kumot papasok sa upisina at baka makatulog ka na sa loob ng bus sa T-A-G-A-L ng byahe. Sobrang alikabok na kulay grey na ang puti mong polo pagdating ng hapon. Pero ako - ‘der’s no pleys layk howm’, ikanga ni Aling Doring ng Wizard of Oz habang pinapalakpak ang kanyang pulang sapatos.
OO nga’t magulo sa Mindanaw, pero mas magulo ang labanang Al Queda at hindi pa rin matunton si Bin Laden hanggang ngayon kaya si Saddam ulit ang apol op my eyes ni Bush. OO nga’t kere-keredas ang pulitikang Pilipino, pero mas makulay ito at maraming napagtatawanan. OO nga’t sobrang buhol-buhol ang trapik, pero may pagkakaiba ba ito sa freeway ng California o ang ordinaryong trapik sa Bombay o New York? OO nga’t maalikabok sa kalye, pero ganun din sa Los Angeles - nababalutan ng maitim na smog ang buong syudad na kitang-kita habang pababa ka ng Los Angeles International Airport. Once ageyn, Aling Doring, sey it wid me: “Der’s no pleys layk howm”.
So bakit marami pa ring umalis at patuloy na umaalis ng ‘Pinas at sinasakripisyo ang mga panahong dapat ay kasama nila ang mga mahal sa buhay? PERA. Mahirap ang buhay. Kailangang kumita, kailangang magkaroon ng pagkain sa mesa, kailangang mapag-aral ng mahinusay ang mga Popoy at Mokong (at Chingching na rin) ninyo. Kailangang matikman ang mga bagay na hindi mo matitikman kung nasa Pinas ka. Materyalistiko ba? Siguro…
Pwede namang mag-tiis diba? Ikanga ng lola ko, kung maliit ang banig, itiklop ang katawan para magkasya. Maghigpit ng sinturon kung kumakalam ang sikmura. Pero hindi na sapat ito ngayon.
Mahirap sabihing magtiis na lang kung nakikita mong hindi sapat ang kinakain ng pamilya mo. Mahirap ibaling ang mga mata kung nakikita mong may pag-asa ang mga anak mong umunlad ang buhay sa pagtanda nila. Mahirap magbulag-bulagan kapag nakikita mong mukhang kawawa ang mga anak mong nakatunganga sa ibang kalarong may magagarang gamit. Mahirap takpan ang mga tenga sa mga hinaing ng mahal na bilihin, pagtaas ng presyo ng kahit na pinaka-basic na pangangailangan. Kung may magagawa kang paraan maibsan lahat ito, hindi mo ba gagawin?
Malaking sugal ang pagpunta sa ibang bansa. Unang-una na, kailagang siguraduhin na hindi manloloko ang ahensyang pagkakatiwalaan ng perang hirap na pinag-ipunan at minsa’y inutang pa. Kung sakaling lehitimo ang ahensya, andyan ang kaba ng kung gaano kabait ang magiging amo. Kung maging mabait man, hanggan kailan magiging mabait. At higit sa lahat ang pinakaimportanteng tanong sa lahat, paano na ang pamilyang iniwan? Kung hindi kasama ang pamilya sa paglakbay, maging matatag kaya sila hanggang sa pagbalik ng lumisang miyembro ng pamilya? At kung kasama naman ang pamilya na lilisan, maging katulad pa rin ba sila ng dati na solido at masaya sa lugar na iba ang kultura at buhay?
Ilan lang ito sa mga isyung hinaharap ng mga OFW natin o yung mga permanente nang lumisan ng Pilipinas. Tatanungin nyo, worth it ba? Worth it ba na isakripisyo ang pamilya, ang pangungulila sa inang bayan at harapin ang pagiging “alien” sa ibang bansa? Minsan, iisipin nyo, kung ikabubuti ng kinabukasan ng mga anak o mga kapatid o magulang na nangangailangan ng tulong ninyo o kung hindi man para sa kanila, para na rin sa sariling kinabukasan, siguro ngan’y tama lisananin ang bayang sinilangan kahit na mabigat sa loob. Marami sa ati’y umaalis lang panandalian at kapag nakapag-ipon-ipon na ay babalik sa Pilipinas para mag-retiro o magtayo ng sariling business. Ang iba naman permanenteng nanirahan na sa abroad - uuwing paminsan-minsan: pasko, grand family reunion o kung samaing-palad kapag namatayan (knock on wood!).
Sabi nga nila, hindi mo kailanman matatalikuran ang bayang pinagmulan (mangilan-ngilan lang silang animo’y langaw na tumuntong sa kalabaw na feeling eh mas mataas pa sa kalabaw kung umasta - ang mga pa-ersh, ikanga ng mga kapatid ko). Marami pa rin sa atin ang nag-hihintay ng tamang panahon para muling manirahan sa Pilipinas at namnamin muli ang buhay Pilipino. Marami sa ati’y binibilang paulit-ulit ang perang iniipon at ang mga araw pa na darating bago muling tumapak sa sariling lupa at hindi na lumipad paalis. Ang iba nama’y paulit-ulit na tumataya sa lotto at nagdarasal na sana’y manalo ng first prize at ng makabalik na sa pilipinas. Ginagawa ko ito - magdasal na tumama sa $20.7M lottery at kung manalo ako eh uuwi na ako at bibili ng bahay sa Makati at Boracay para sa amin ni Andres, isang bahay para sa magulang ko, tigi-tig-isang bahay ang mga kapatid ko. Ang problema, hindi ako tumataya. (Kung hindi kaya nakapako si Jesus eh sinipa na kaya ako at sabihing, aba, bigyan mo naman ako ng tsans - tumaya ka kaya muna!)
Siguro kung naiba-iba ang ekonomiya at natuloy ng husto ang pagiging “The Tiger Economy” ng Pilipinas at kung hindi sana naudlot ng mga tao sa pulitika ang ating pag-unlad malamang marami ang magdadalawang-isip bago lisanin ang pamilya… at sana nga may punong namumunga ng PERA para pitas ka na lang ng pitas. Ang puntos, mag-sana-sana pa ba? Ito ang mga barahang binigay sa atin, laruin na lang natin sa ganang makakaya natin at samahan na lang natin ng dasal ang ibayong pagtatrabaho natin. At sinong makakapagsabi, malay mo, mananalo rin tayo sa pusoy-dos ng buhay…


