Si Mamang

(Feyvorit Pansit Isyu 6, July 18, 2002)
“Stop making the same old stupid mistakes and start making new ones.”

Kung may isang taong talagang naka-impluwensya sa akin ng husto maliban sa mga magulang ko, ito ay ang Lola Idad ko - ang aking ‘Mamang’. Lola’s girl ako, kung tawagin at hindi ko naman kinakahiya yon. Malapit na malapit ako kay Mamang.

Kustorera ang Mamang ko. Mananahi kung tawagin. Walang ginagamit na pattern at puro aspile lang. Itanong nyo sa kahit na kaninong mananahi, kung pwede kang gumupit ng tela ng puro aspile lang ang nakagabay sa gunting mo, magaling ka! May mga sinasabi ngang mga kilalang artista si Mamang na ginawan na nya ng damit nung namamaskuan pa siya sa Tres’ Chic nun, kaya lang hindi ko na mga kilala. Kalaunan nga nagtayo na rin sya ng sariling patahian at may apat kaming mananahi - sina Aling Flor, Aling Rosa, Aling Sion. Nakalakihan na naming magkakapatid ang mga mananahi nya. Si Greta nga na kapatid ko, nagbabakasyon pa yan kina Aling Poy (hindi nya kasi masabi ang ‘Flor’) sa Cavite nung maliit pa sya. Si Aling Rosa naman, lagi naming inaabangan ang pansit malabon nya na nakabalot pa sa dahon ng saging kapag dumarating sya sa amin.

Magmula ng maliit ako, lagi akong may bagong baro na gawa ni Mamang - galing madalas sa mga retaso na hindi na kinukuha pa ng kanyang mga kostumer pagkagawa ng mga damit nila. Mabibilang mo sa daliri ang mga damit naming magkakapatid na hindi ginawa ng lola ko at madalang na madalang yon. Pati nga mga damit ng mga Barbie naming magkakapatid, siya rin ang gumagawa. Yung mga Barbie nga ng bunso kong kapatid na si Patring, hanggang ngayon nakadisplay sa kwarto niya, suot-suot ang mga damit na gawa ni Mamang.

Naalala ko rin ang narra naming mesang kainan na syang tabasan ng Mamang. Malaki at mabigat yon, at sa ilalalim pwedeng-pwede kang sumuot at maglaro ng bahay-bahayan. Madalas yon, kapag wala akong pasok sa eskwela, karay-karay ko na ang mga Barbie ko at duon ako naglalaro sa ilalim ng mesa habang nagtatabas ang Mamang at kung nasa ‘mood’ si Greta, dalawa kaming nasa ilalim ng mesang naglalaro. At habang naka-lapat ang telang tinatabas ng Mamang sa mesa at lumalawit-lawit ito sa gilid, para akong may kurtina sa bahay-bahayan ko. Minsan nga natatawa raw sila sa akin kasi nagsasalita akong mag-isa, - nag-da-dayalog kunwari ng mga usap namin ng Barbie ko. Iniisip ko ngayon, parang naging “security blanket” ko ang ilalim ng mesa kasi sa isip ko, nandyan lang sa tabi ang mamang, nasisilip ko ang paa nya at naririnig ko ang tunog ng gunting nya sa ulunan ko. At hanggang ngayon, parang naririrnig-rinig ko pa rin ang tawanan at kwentuhan nila ng mga mananahi nya.

Mahilig magbasa ng pocketbook si Mamang. Siya ang nagimpluwensya sa aking magbasa ng pocketbook. May isa syang kostumer, si Mrs. Ting, na sandamukal kung magpahiram ng libro sa kanya. Nung nakahiligan kong magbasa ng Nancy Drew at Hardy Boys, si Mrs. Ting ang nagpapahiran sa akin ng isang kahong librong puro ganun na pinag-sawaan na ng mga anak nya. Sa gabi habang katabi ko si Mamang, pareho na kami na nagbabasa ng libro. Madalas, kapag mayroon akong hindi maintindihan na salita, siya ang pinagtatanungan ko ng mga ibig sabihin nun. Nung magsawa na ako sa Hardy Boys at Nancy Drew ang Mamang ang nagsasabi sa akin kung ano ang mga magandang basahin - Ayn Rand, Robert Ludlum, V.C. Andrews at ang paborito kong si James Clavell.

Ang isa pang hilig ni Mamang eh crossword puzzle. Twing tanghali, habang nagpapantok sa siesta, gumagawa yan ng crossword puzzle na galing sa Manila Bulletin. Bago matapos ang araw, tapos na rin nya ang puzzle. Tinuruan din ako ni Mamang na mag-solve ng mga word puzzles. Kaya naman nung kalaunan eh kalaban na nya ako sa mga crozzword puzzle na librong pinadadala sa kanya ng tiyahin ko galing ng Canada.

Sa gabi, pagkatapos kumain, lalabas na kami ni Mamang sa may gate - magpapahangin. Maya-maya, maglalakad-lakad na kami papunta sa kanto ng Espiritu at Zobel Roxas at babalik papunta naman sa kanto ng Espiritu at Vito Cruz. Duon sa may kantong bahay, mangunguha kami (ng palihim) ng mga nahulog na Sampaguita ng kapitbahay na nilalagay namin sa altar namin sa may hagdanan. Madalas yan habang naglalakad kami, sinasabi ko sa kanya na gustong-gusto kong magpunta sa Disneyland. O dikaya eh kukwentuhan nya ako nung panahong maliit pa ang mga itang ko at mga tiyo at tiya ko, nung mga panahong nakatira pa sila sa Colayco sa Pasay at kapitbahay nila ang pamilya naman ng inang ko. Madalas din naming pag-usapan ang mga bituin at kung ano-anong hugis ang nakikita namin.

Nung mag-1st year high school ako, kinuha na ng tiyahin ko ang Mamang para tumira sa Canada. Lungkot na lungkot ako nun. Miss na miss ko sya at tuwing makakausap ko sya ng long distance sa telepono eh umiiyak pa rin ako. Pero hindi nagtagal si Mamang sa Canada. Ilang taon lang bumalik din sya dahil hindi makasunod si Papang sa kanya duon. Tuwang-tuwa ako nung maka-uwi na si Mamang. Sa kwarto pa rin nya ako natulog kapag wala si Papang. Yun na ang naging kwarto ko at katulad ng dati, parang walang nagbago, ginagawa pa rin nya ako ng mga damit, lumalabas pa rin kami sa gabi at naglalakad-lakad. Nung tumanda na ako, mas marami pa kaming napapagkwentuhan ni Mamang. Tsismisan na nga kami madalas.

Hindi ko makakalimutan yung panahong inatake si Mamang sa puso, mga bente-sais gulang ako nun. Nataranta ako nun at takot na takot. Binantayan ko sya maghapon at magdamag, walang uwian. Dahil matanda na rin nuon ang Papang, kailangan nyang umuwi paminsan-minsan para makapagpahinga. Hindi ko malaman kung ano pa ang idadasal ko para lang huwag munang kukunin ang Mamang. Dininig marahil ng Dyos ang dasal ko… gumaling si Mamang pero medyo mahina na ang kaliwang bahagi ng kanyang katawan - madali nang mapagod. Pero unti-unti bumalik na sa dati ang kanyang lakas. Katulad ng ibang matanda, kinailangan nyang operahan kamakailan lamang sa mata na lumabo na ng dahil sa katarata. Pero ngayon malinaw na raw ang kanyang mata.

Marami… marami pa akong magagandang ala-ala tungkol kay Mamang. Malakas pa sya. Maniwala man kayo o hindi, otsenta anyos na siya at nung isang taon siya pa rin ang nanahi ng damit pangkasal ni Patring.

Ngayong nandito na ako sa Canada, tumatawag pa rin ako sa kanya at sumusulat. Nakakatanggap pa rin ako ng mga sulat galing sa kanya kahit na madalas sinasabi nga nya na napapagod na ang kamay nyang magsulat pagdating sa huli. Nami-miss ko pa rin sya…

Hindi masyadong nagluluto si Mamang kasi nga si Papang ko ang madalas na nagluluto. At kung hindi naman si Papang, ang mga katulong namin o dikaya ang Nanay ko ang syang tagapag-luto. Pero kung may specialty si Mamang yun ay ang palabok at palitaw

Leave a Reply

© 2008 Pansitan ni Ate Sienna | Entries (RSS) and Comments (RSS)
Design by Design Your Web Page - Powered By Blog Collector, Wordpress themes