Si Ringo
(Feyvorit Pansit 8, October 11, 2002)
Marami’ng nagtatanong sa akin tungkol sa kapatid kong si Ringo. Kung ganun daw ba sya talaga. Kapag nakita mo kasi yun at nakausap mo akala mo pinaglihi ng nanay ko sa barker na nagtatawag ng pasahero ng mga jeep na nakaparada. Super-over daldal yun sa ibang tao - maraming kwento, maraming jokes, laging nambubuska, patatawanin ka talaga nya. Kaya madalas yan, sa tumpukan, maraming nakapaligid dyan tapos maya-maya makakarinig ka na lang ng tawanan. Kapag ganun alam namin bumabangka na naman ang kapatid ko.
Ganun ba sya kapag kami-kami na lang ang magkakasama? Medyo… Patawa pa rin sya pero may halo nang pambubuska… yun eh kung nasa mood sya. Ang madalas na buskahin nyan ngayon eh sina Popoy at Mokong. Maririnig mo na lang minsan yang si Mokong na sisigaw “Mooooooooommmmm…. Tonti’s making kulit me!!!” (Tonti kasi ang tawag ng mga pamangkin ko kay Ringo.) Maglalaro yan sila o magtutuksuhan na mag-titiyo, maya-maya may isa o dalawang bata nang iiyak kasi napikon na o hindi makaganti. Mayayamot naman si Greta at pagagalitan si Ringo.
Mas madalas nga lang, ni hindi mo alam na nasa bahay na pala si Ringo. Pagkagaling nya sa trabaho o kung wala syang pasok, nandun lang yan sa kwarto nya sa third floor ng bahay namin at naglalaro ng kanyang sangkatutak na video games, nanunuod ng DVD o TV, o dikaya eh nasa harap ng computer niya at kung ano-ano ang pinag-aaralang audio/video na mga software. Yun ang hilig ni Ringo… computer. Minsan, kahit sa ICQ, nag-uusap kami lagi ng tungkol sa mga bagong software, paano gawin yung ganun sa photoshop o kung pwede bang gumana ang ganun sa ganyan. Mahilig mag-diskubre at magkalikot yang si Ringo, kahit na nung bata pa….
Pinanganak si Ringo nuong 1971, tatlong taon pagkatapos na pinanganak si Greta at limang taon bago dumating si Patring. Nag-iisa naming lalaki. Mukhang hapon nga yan nung sinilang, hindi mo aakalain na anak ng Itang kasi medyo kayumanggi si Itang. Ang tawag nga ng Tyong Edong ko dyan na ninong nya sa binyag eh “Japok”. Malikot si Japok… sobra!
Mga apat o limang taon lang sya nun, nakikitira kami kina Lola Idad sa Singalong at kasama namin ang nasira ko nang Tiyo Dante. (Sumalangit nawa.) Mahilig sa pabango si Tiyo Dante, siempre binata. Eh nung minsan, napasok ni Japok ang kwarto ng lola ko kung saan naduon lahat ng mga pabango nila. Natuwa ata dahil de-spray ang cologne ng Tiyo Dante, inubos sa buong kwarto. Kaya pala nananahimik… may ginawang milagro. Ayun, engri si Tiyong, si Inang, dahil nahihiya, napalo ng husto ang mabangong si Japok.
Pero matalino si Ringo. Bata pa lang alam mo nang matindi ang ulo pagdating sa memorya. Nung kinder yan, siya ang nag-host ng graduation program nila simula hanggang huli. Lahat ng linya saulado, hindi ginamit ang prompt cards nya. Kumanta pa yun ng “Ako’y Pinoy” at to top it all, Valedictorian pa ng buong graduating class ng kinder. Habang lumalaki, hindi nawawala sa honor class, medyo nga lang pumapalya dahil sa kalikutan o nababarkada, pero hindi nakakalimutan ang pag-aaral.
Pero nung mga bata pa kami, hindi namin sinasali ni Greta sa mga laro namin yan kasi parang kangkarot sa sobrang kulit. Eh siempre, dahil bata, iyakin pa. Madalas na napapaiyak yan ni Greta. May isang araw pa na nagbugbugan yan sila ni Greta. As in boksing talaga! Sino’ng winner? Si Inang, dahil pareho silang pinadipa dahil dun. Sino’ng Luz Valdez? Silang dalawa dahil sila ang nakadipa.
May panahon pa yan na nag-aaway si Greta at Ringo kung sino ang uupo sa tabi ng bintana ng kotse namin twing may family pasyal. Siempre, dahil ako ang panganay, ako ang nasa kabilang bintana. So silang dalawa nagrambol kung sino sa kabilang bintana. Nagkayamutan, nag-bakbakan. Ayun, yamot ulit si Inang, nilagay silang dalawa sa gitna at kami ni Patring ang nasa magkabilang bintana. (O, diba… mahusay si Inang, parang si Haring Solomon, hehehe.) Sino ang Luz Valdez? Silang dalawa ulit. Sino’ng winner? Ang nananahimik na si Patring. Biruin mo, promoted sya sa bintana bigla!
Pero siguro iisipin ninyo na dahil dun eh galit-galit na sila ni Greta hanggang ngayun. On da kontrari, sila ang pinaka-malapit sa lahat. Kay Greta sya nagtatanong kung ok yung suot nya. Kadikit nya yan kung may lakad si Greta, lahat ng kaibigan ng Ate nya, kaibigan din nya. Kapag sinabi ni Greta, bible-truth sa kanya yun. Nung nagsabi si Greta sa kanya na ikakasal na sya, sabi nya, “Ok lang, pero dito kayo titira sa atin.”
Lagi nilang niloloko na lagi raw basted si Ringo. Akala lang nila yun. Ang hindi nila alam, marami nang naging girlpren yun. Maraming tumatawag sa bahay, maraming nagtetext na kung sine-sinex na mga girlashes. Bolero kasi yun, numero uno. Hindi man manligaw, for some reason at hindi rin naman sya aga-muhlach- o richard-gomez-gwapo eh lumalapit sa kanya ang mga girlies. Pero ang nakakatawa, kapag napintasan namin, mas lalo naming magkakapatid, biglang-bigla, ayaw na rin nya. Ewan ko, siguro dahil hindi pa nya lab talaga yung babae o siguro talagang hindi pa nya naiisip na mag-asawa kaya hindi seryoso.
Pero sa lahat sa amin, si Ringo ang pinakamalaki ang sakripisyo sa aming lahat. Nakapagpatayo ng bahay para sa pamilya nya at hindi raw sa kanya ang bahay na yun - kay Inang at Itang daw yun. Nakatapos kaming lahat ng pag-aaral dahil sa kanya. Alam kong hindi ko maaabot lahat ng kung ano man ako ngayon kung hindi dahil sa kapatid ko. (Kaya nga ngayon, basta umungot sa akin yan, hindi ko hinihindian.) Hindi lang ang pamilya nya ang natulungan nya, kahit na sinong kamag-anak namin na humingi ng tulong sa kanya, bukas-palad nyang tinutulungan. At ni minsan, hindi mo narinigan yang si Ringo na nagbilang ng kahit na anong binigay nya sa iba. Dyan ako bilib sa kanya. Ni minsan hindi nagdamot, hindi nagkait. Kaya nga siguro, hindi rin sya pinagkakaitan ng Dyos. May mga panahong tinatamaan din sya ng problema, pero hindi siya pinababayaan. Gumagawa pa rin ng paraan ang Diyos na pagaangin kahit papano ang bigat ng dibdib nya.
Kaya minsan, kapag nakakaranig ako ng mga taong nagrereklamo ng mga tinulong nila sa pamilya nila at akala mo napakalaki na ng sinakripisyo kahit na alam mong hindi, nawawalan ako ng gana sa kanila. Lagi kong sinasabi sa kanila, kung ikaw siguro ang naging kapatid ko, mas lalo ka nang nagdamot. Hindi mo pa mandin naabot ang naabot na ng kapatid ko. Ang kapatid kong napakasimple ang araw-araw na buhay, napakasimple ng mga gusto sa buhay. Ang makasama ang buong pamilya paminsan-minsan, ang makapag-play station, ang makasama ang mga kaibigan at makulit ang mga pamangkin. At siguro, sa malapit na bukas eh makahanap na ng babaing tutuong mamahalin.
Kaya ako, proud ako kay Ringo. OO, hindi man sya perpekto pero hindi ko siya ipagpapalit kahit na kanino. May mangilan-ngilan na narinigan kong binatikos sya. Na hindi daw sya magaling sa trabaho nya. Mga taong wala namang karapatan na magsalita dahil hindi naman nila alam ang mga pinagsasabi nila o mga taong, sa tutuo lang, kahit na ata ang tsinelas ng kapatid ko, hindi nila mapupunuan. Masakit kapag nakakarinig ako ng ganun pero iniisip ko, ano ba ang alam nila? Kilala ko naman ang mga nagsasalita ng ganun at alam kong wala sila sa estado para magsalita. Hindi rin naman masasabing lahat ng tao ganun ang opinyon dahil mas nakakarami ang natutuwa sa kanya o humahanga sa kanya. Paglalaanan mo ba ng sakit ng damdamin ang kakarampot kesa sa nakakarami? Hindi worth it, diba?
Sabi nga ni William Wordworth, “That best portion of a GOOD MAN’s life; His little, nameless, unremembered acts of kindness and of love.” Nameless, unremembered acts of kindness… Yung mga bagay na yun na hindi na kailangang malaman pa ng buong mundo, yung mga bagay na yun na ginawa nya para sa ibang tao. Yung mga bagay na yun ang hinding-hindi ko makakalimutan tungkol sa kapatid kong si Ringo. In the end, yun naman ang importante…


