Ito ako...
Dear Ate Sienna...
1
2
3
4
5
6
7
8
9
Natawa Ako Dito :)
1
2
3
4
5
6
7
8
9
Samo't-Sari
1
2
3
4
5
6
7
8
9
Nakakayamot!
1
2
3
4
5
7
8
9
My Peborit Pansit
1
2
3
4
5
6
7
8
9
Para Kay Girlie
4
5
6
7
8
9
Lumang Indeks
1
2
3
4
5
6
7
8
9
Nabanggit ko ng minsan sa inyo si Papang ko or who I fondly refer to as "Lolo dear", asawa ni "Lola dear" ko. Mas kilala si Lolo dear na Lolo Bagets ng mga girlies na barkading ko. Kakwentuhan yon ni Portia ng tungkol sa mga tele-nobela dahil nga si Papang, pagdating ng alas-sais ng hapon, nasa harapan na yon ng TV at ina-update na nya ang sarili nya ng tungkol kina Miss Powers, Eduardo, Angeline, Sally, Nieves, Jordan at kung sino-sino pa. Name the tele-nobela, alam ni Lolo dear ang nangyayari.
Cute, diba? Eksampol lang yan ng mga qualities ni Lolo dear ko. Mahilig din sya sa mga action na pelikula. Madalas yan, mawawala na lang sa bahay nila ni Lola dear at uuwi hapon na hapon na. Yun pala, nanuod ng sine at dalawang oras na natulog sa loob ng sinehan kasi nga brownout sa bahay! Antukin ba si lolo? Hindi naman... Eh siempre napanuod na nya ng isang beses yung pelikula, mano bang namnamin na lang nya ang musical scoring ng pelikula habang nakapikit siya at iniimagine ang mga eksena. Maririnig mo na lang naman syang huhilik habang nanunuod ng paborito nyang Charles Bronson o Clint Eastwood sa VHS. At kapag nilipat mo ang channel, sisitsitan ka na nun at sasabihin na hindi pa tapos yung sine. Antukin? No way - sinusubukan lang nya kung may lakas ka ng loob ilipat sa Eat Bulaga habang nanunuod sya. Ilang beses lang naman syang na-slashan ng pantalon at nadudukutan ng wallet kapag nag-byabyahe magmula Olongapo hanggang Maynila kasi nga makikita ng mandurukot na tutungo-tungo ang ulo habang nakasara ang mata. Antukin? Hindi, ah - pinipikit lang nya mata nya dahil sa alikabok - ayaw nyang mapuwing!
Dahil nga Kapampangan, ang sarap-sarap magluto ng Papang. Mag-request ka dun ng kahit na anong pagkain, name it, kanya nya lahat yan!. Buro, kare-kare, bopis, bulalo, kaldereta, adobo, arroz valenciana, goto... Ewan ko ba, pag nag-ihaw na yun ng dalag atsaka sinamahan ng burong kanin, nakooooowwwww... ang dami-dami kong nakakain. Pero kung pansit ang pag-uusapan ang hilig nun eh pansit lomi. Yun ang paborito nya. Minsan dumadayo pa yan ng Binondo pag ayaw nyang magluto para lang kumain ng lomi at siopao.
At dahil Kapampangan nga, pusteryoso si Papang kahit pa raw nung binata ito at nanliligaw kay Mamang. Lagi raw diretso ang pileges ng planstadong pantalon nun atsaka ang bango-bango. Mahilig nga sa pabango si Papang. Ang laging binibilin nun, Jovan o dikaya eh Old Spice. At pag nauubusan na sya ng pabango, pabango ni Mamang na White Shoulders ang ginagamit nya. Hindi umaalis ng bahay yun ng walang pabango.
Isa pang rason kung bakit tinawag na bagets yon eh kasi nga ang lakas-lakas pa nya. Bike pa ng bike yon sa umaga sa edad na 84. Maliksi kumilos. Tuwing Linggo pupunta pa sa QC yon para umatend ng meeting ng mga ka-Kursilyo nya - walang mintis yon.
Si Papang, mahal na mahal nun ang Lola dear ko. Sobrang pag-intindi nun kay Mamang mas lalo na nung nag-retire na sya. Madalas yan silang mag-didiskusyon kasi nga si Papang, kung ano ang maisipan, pinipilit. Pero siempre, lambingan lang nila yon. Nang ma-stroke si Mamang hindi sya umalis sa ospital. Alam ko, kasi dun din ako tumira sa ospital nun para nga alagaan si Mamang at bantayan din si Papang. Lagi kong nakikitang umiiyak si Papang ko nun kasi akala nya hindi na gagaling si Mamang. Awa ng Dyos, malakas na si Mamang at nananahi pa sya ngayon ng wedding gown ni Patring na ikakasal sa Pebrero.
Iyakin ba si Papang? Medyo. Nauuna pang umiyak yan minsan sa mga episode ng Maala-ala mo Kaya. Nung mamatay si Papa, lolo ko sa side ni inang ko, nag-bigay ako ng eulogy para kay Papa. Tulo ng tulo ang luha at uhog ko habang nagsasalita ako. Napansin ko na lang may nag-abot ng panyong puti sa akin - si Papang ko pala yon, panyo nya yung pinagamit sa akin na pang-singa ng sipon ko. Sya tuloy ang singhot ng singhot kasi nga wala na syang panyo.
Mga anim na buwan na ang nakaraan, tumawag si inang ko sa amin. Si Papang daw dinala nila sa ospital kasi nagrereklamo ng sakit sa dibdib. Nalaman nila na barado ang mga arteries nya at kailangang pa-angiogram sya para malaman kung ilan ang ibabay-pass. Takot sya... hindi pa kasi naoospital yon sa tanang buhay nya. Pinalalakas ko ang loob nya nung maka-usap ko sya ng long distance. Sabi ko hindi masakit ang angiogram, i should know, nanggaling na ako dun. Pero ayaw nya, matanda na raw sya, baka hindi na nya makaya. Ang ending sandamakmak na gamot ang nireseta ng doktor hindi lang sa kanya kundi pati kay lola dear para sa high blood, cholesterol, pag-hinga - lahat-lahat na. Pero sabi nga ng doktor, pansamantala lang ang solusyon na yon para kay Papang. Sooner or later kailangan din nyang magpaopera.
Lumakas na raw sya. Pero matigas pa rin ang ulo,galaw pa rin ng galaw. Minsan nagagalit pa pag pinaaalahan ng tungkol sa puso nya. Pero mamya, gagawin din naman yung mga pinapayo mo sa kanya.
Nung umuwi ako sa Pinas, isa yon sa dahilan kung bakit umuwi ako... Sabi ko kay Inang, baka kasi hindi ko na makitang buhay sina Papang pati na yung isa ko pang Lola, si Mama, na nanay ni Inang. Tuwang-tuwa sina Papang at Mamang. Lahat ng paborito kong pagkain niluto nila. Nung pauwi na ako sa Canada, higpit ng yakap ni Papang sa akin, umiiyak pa. (Unfortunately, Si Mama, binawian ng buhay bago ako nagkaroon ng tsansang mabisita sya, isang linggo bago ako bumalik sa Canada)
Nung November, tumawag si inang at itang sa akin. Nasa Amerika ako kasama ni Andres. Wala na raw si Papang. Nagbabasa pa raw ng dyaryo nung umagang yon. Nagpunta lang sa kusina dahil nga inubo. Pag-ubo nya, sumakit na ang dibdib, bumagsak sa may harapan ng lababo. Tumawag ng ambulansya, hindi na siya umabot sa ospital.
Umuwi si Itang ko, ang kapatid nyang babae atsaka yung tyuhin kong nasa Japan. Maraming nagpunta sa lamay nya sa puneraria sabi ni Greta na kapatid ko. Maraming bulaklak. Nung big-nayt ni Papang nung huling gabi nya, nag-mananita pa ang mga taga-kursilyo para sa kanya bilang pag-bigay parangal sa pinakamatanda at pinaka-popular na miyembro ng samahan nila.
Minsan iniisip ko, kahit gusto kong nanduon ako nung mamatay sya, mas gusto ko ata na maalala syang buhay. Si Papa at Mama ko kasi nakita kong nakalagay sa ataul. Kaya kahit na ilang beses ko silang maalalang buhay ang laging ending, yung eksenang nakalagay sila sa kahon. Malungkot. Si Papang, at least, ang maaalala ko yung pag-inom nya ng serbesa negra, yung pag-bike nya, yung pagluluto nya sa kusina, yung pag-uwi nya galing ng Olongapo na sangkatutak na tsokolate at komiks ang dala nya, at yung kanyang pansit lomi. At higit sa lahat nung yumakap ako sa kanya bago ako umalis at sabi ko "Papang, I love you..."
Pansit Lomi
1/4 k lomi noodles (flat)
1/2 c pang-gisang baboy
1/2 c hipon, binalatan
1 sibuyas, 3-4 bawang pang-gisa
1 c hiwa-hiwang repolyo
1 tbsp. carrots, chopped
6-7 c sabaw ng manok chicken
2 tbsp. mantika
1 tbsp. cornstarch.dissolved in water
2 itlog
2 tbsp. patis
asin
1. Igisa ang sibuyas at bawang. isunod ang baboy hanggang mawala ang pagkapula ng karne.
2. Isunod ang hipon. Lasahan ng patis; Haluin ng mga 2 minuto.
3. Magdagdag ng 2 tasang tubig, hayaang kumulo ng mahina hanggang medyo kumonti ang sabaw.
4. Idagdag ang sabaw ng manok. Takpan at pakuluan ng mga 10 minuto.
5. Ilagay ang noodles, carrots, at repolyo. Pakuluin ng mga 3 minuto.
6. Idagdag ang dissolved cornstarch. Tanggalin sa kalan.
7. Ihulog ang itlog at haluin.
8. Ihain ng mainit.