Proud Akong Maging Pinoy!
(Natawa Ako Issue 4, May 23, 2002)
Minsan kahit na ano pa ang sabihin nilang masama tungkol sa Pinoy (at kahiya-hiya naman talaga minsan), gugustuhin ko pa ring maging Pinoy! Bali-baligtarin man ang mundo, puno’t dulo, hindi mawawala ang mga katutubong katangiang Pinoy ko - pangong ilong, kulay kayumangging kaligatan, maliit (hindi pandak, ah!) pero cute, at kasing dilim ng gabing itim na buhok. OO nga’t mapapalitan ko ang kulay ng mata ko kung ako’y naka-contact lens o ako’y mag-patina ng buhok o magpa-bleach para pumuti ng konti, at magsuot ng sobrang taas na sapatos, sa loob-loob ng puso ko Pilipino pa rin ako at AY EM FRAWD TU VI FILIFINO!
Bakit kanyo? Eto na lang, ilang bansa ang nakakapag-People Power na katulad ng Pinoy at napapaalis ang mga pinunong saliwat sa isang mapayapa (kung hindi man parang fiesta) na paraan? Ilang non-Pinoy ang hindi nakakatagal sa problema at nag-su-suicide o naloloka habang ang Pinoy, ayun at nakatayo pa rin, nakangiti at patuloy ang buhay nila dala-dala ang kaparehong problema?
Marami.. maraming bagay na Pinoy lamang at sa Pilipinas o sa kapwa-Pilipino mo lamang makikita. Bakit nakakatawa? Dahil nakakatuwa. Bakit nakakatuwa? Dahil nakaka-aliw. At bakit nakaka-aliw? Dahil bigla mong ma-iisip.. “Oo nga.. onli in da Pilipins en onli wid a Pinoy”. Kaya, matawa, matuwa, maaliw at mag-isip sa mga susunod:
Simulan natin sa pagkain:
1. Meryenda sa umaga, meryenda sa hapon, meryenda sa gabi. Ilang beses bang mag-meryenda ang Pinoy bukod sa “tri-mils-a-dey” na kanin at ulam?
2. At.. huwag kakalimutan ang sawsawan - toyo at kalamansi, patis at kalamansi, suka at patis, suka at toyo, suka at sili, suka at bawang, bagoong, bagoong at kalamansi, bagoong at suka, bagoong at sili, asin, buro - kung ano-ano! Ito na lang, ilang sawsawan ang maiisip mong bagay sa pritong isda?
3. Nasabi na rin lang.. BAGOONG! Mabaho, malasa at hindi mahihindian. (Ano ang saysay ng kare-kare kung walang bagoong? O manggang hilaw na walang bagoong??)
4. Dinuguan o ang ika ni Andres ko - Chocolate Stew. Kung iisipin mo, dugo? Kinakain? Subukan mong may kasamang puto at talaga namang mapapa-ummmm ka sa sarap!
5. Eto pa ang isa - Balut. Ma-high blood ka man sa sobrang cholesterol, da best kasama ng asin o suka. Ang sarap ng sabaw, malambot ang buto mas lalo na kung kinakain mo ng nakapikit o walang ilaw.
6. Choc-nut! Lumaki, lumiit at lumaki ulit. Parang ang sarap gunitain ang mga araw ng iyong nakaraan dahil may kasamang chocnut.
7. Anong kubye-kubyertos!!! Mas masarap kumain ng naka-kamay!
8. Eh ang mamang nagtitinda ng “dirty ice cream”? At ang mga flavors - munggo, langka, ube, mais, keso, macapuno sa matamis na apa!
9. Ang inumin sa Pansitan.com - Sarsi. Pinoy na root beer. Nasubukan nyo na ba ang Sarsi with Egg ni Danny Vanni?
10. Prutas na pang-Pinoy: Atis, guyabano, chesa, mabolo, lanzones, durian, langka, makopa, dalanghita, siniguelas, suha, chico, papaya, singkamas! Ang Manila Mango, walang kasing sarap. Nung minsan, nakakita ako ng aratiles sa Asian store, halos nahulog ako sa mahal eh samantalang pinipitas lang namin ito sa kapitbahay ng libre!
11. At ang ever-peymus na Pandisal - katulad rin ng choc-nut kaya lang hindi na lumaki ulit. Paliit lang ng paliit pero saksakan pa rin ng sarap mas lalo na kung may kasamang matamis na bao!
12. Eh mga pagkaing pang-side-walk? Barbecue, lugaw, banana-cue, fishballs, IUD (bituka ng manok), adidas (paa ng manok), warm taho. Hepatitis? hehehe.. masarap ba yon?!?!
13. Ang pinipili ng mapiling manginginom: San Miguel Beer at pulutan! Ang isa sa pinakamasarap na beer sa buong mundo - San Miguel! Samahan mo pa ng mani, corniks, tapa, chicharon, usa, barbecue, sisig.
Salitang Pinoy:
1. “Kuwan”, “Ano”, “Ba”, “Sayang”, “Naman”, “Kadiri”, “Ano ba”, “Pala”… Kahit na hindi mo masabi, o hindi mo alam kung ano ang tutuong kataga, bakit nagkakaintindihan pa rin ang mga Pinoy? “Bababa ba?” “Bababa!”
2. “Po”, “opo”, “mano po”. Mga salitang pang-respeto sa nakatatanda o may katungkulan.
3. “Bahala na”… Lokang-loka si Andres ko kapag sinasabi ko ito. Hindi nya ma-gets na may ibang bagay na isinasa-Dyos na lang.
4. “Kuya”, “ate”, “diko”, “ditse”, “ineng”, “totoy”, “ingkong”, “aling”, “mang”. Walang eksaktong translasyon sa Ingles pero sagad sa butong respeto sa nakatatanda.
Pinoy business:
1. “Pabili ng po ng dalawang pisong mantika, 2 stick ng Marlboro, isang sachet na Sunsilk, pisong asin… atsaka po ice kendi” Tingi. Paano na lang ang buhay kung wala ito?
2. Ang mga paborito mong komiks at magasin: “Aliwan”, “Kislap”, “Tagalog Klasiks”, “Pilipino Reporter”, “Hiwaga”, “Wakasan”, “Liwayway”. Sina Zuma, Bakekang, Dyesabel, Kenkoy nababasa mo sa arkilahan ng komiks sa kantong tindahan ni Aling Susan.
3. Siempre pa, saan ka makakabili ng tingi o manghihiram ng komiks? Eh di sa paborito mong “Sari-sari Store” Bawa’t kanto meron, lahat mabibili mo magmula mantika hanggang pakong bakya, hanggang floor wax at ays kendi”
4. Eh ang Jeepney ni Mang Temyong? Mabilis, maraming burloloy at nakakabinging radyo. Humawak ka sa upuan mo at baka mahulog ka!
5. Tricycle at trisikad - ang taxicab ng pinoy - at hindi sya mura ha! Minsan mas mahal pa sya sa taxi, yung nga lang hindi ka kasi isasakay ng taksi sa loob ng iskinita papuntang bahay ninyo kaya trisikad ang sasakyan mo with matching pollution pa yon!
6. Ayaw mo ng tricycle at trisikad? Meron pang isa - Karitela at Kalesa.
7. Ang pinaka-aasahang “Yaya”. Parang si Ate Bingbing nila Popoy at Mokong - ever sa bait at asikaso sa mga pamangkin kong makukulit. ‘Wag long po sanang maiisipang mag-Hongkong o mag-Saudi!
8. Divisoria! Mabaho, maputik, pugad ng magnanakaw pero saan ka pa makakakita ng murang-murang damit, vcd, tela at materyales para sa mga souvenirs at pamaskong burloloy? Ikipkip mo na lang ang bag sa kili-kili mo at wag ka nang mag-make-up!
9. Metro Aides. Ano pa man ang mangyari sa kalye - mapa-rally, mapa-aksidente, mapa-pyesta. Patuloy nilang nililinis ang kalye sa Maynila mas lalo na pagkatapos ng botohan at kailangang tanggalin na ang mga posters na pinagdididikit ng mga !!@#$^$# pulitiko!
10. Proudly Philippine-Made! Mga gawang-kamay na gawa sa kabibi, rattan, abaca, kahoy, banig, kawayan. Hindi lang pang-turista, pang-balikbayan pa!
11. Ang makabagong bayani - Overseas Contract Worker or Filipino Contract Workers. Paano na lang ang ekonomiya ng Pilipinas kung wala sila?
12. Midnight madness, weekend sales, bangketa at baratillos. Sa Greenhills, sa Makati, sa Cubao, sa Roxas Boulevard - mamili ka - cell phone, VCD, CD, sapatos, t-shirts, bags - kahit na ano meron sila!
Katutubong Kaugalian sa Makabagong Kabuhayan:
1. “May pasalubong ako sa’yo” - i-share mo sa mga naiwan ang saya ng napuntahang lugar kahit sa pasalubong man lang!
2. Saan mo pa ilalagay ang pasalubong mo kundi sa “Balikbayan Box”? Kilala na ang Pinoy sa lahat halos ng airport sa buong mundo na kahon-kahon ang dala pauwi sa Pilipinas.
3. “May balikbayan box ka pauwi? Paki-padala na lang ito, ha? Salamat…” Mahihindian mo ba? Personal door-to-door delivery with matching balita pa pagbalik mo sa kamag-anak na nakipadala. Siempre, gumaganti ka lang naman dun sa panahon na ikaw naman ang naki-padala.
4. Buhay pa rin ang Bayanihan! Sama-sama, tulong-tulong. Konting pakain, gawa na ang bakod mo!
5. Fiesta - Kain, inom, kain… “Di bale nang magkautang”, ani ng Pinoy, “minsan lang naman ito sa isang taon at para naman ito sa patron.”
6. Aswang, manananggal, kapre, tyanak, duwende. Pero bakit sa Pilipinas lang meron? Pagpunta mo naman sa ibang bansa wala na sila?
7. AT wag kalilimutan ang panlaban sa kulam o engkanto - ang gayuma, agimat at anting-anting.
8. Santacruzan, Flores De Mayo, Sunduan… Mistulang beauty contest sa dami ng nag-ga-gandahang mga babae, pabonggahang mga gowns. Pero hindi lang sya beauty contest, ang Santacruzan ay istorya ni Santa Elena at Constantino sa paghahanap ng Krus ni Hesus. Ang Flores de Mayo ay parada para kay Inang Maria at ang Sunduan ay isang parada ng pagsundo ng mga kababaihan sa kanilang mga bahay ng kanilang mga konsorte papuntang simbahan.
9. “Kain na kayo!” “Dito ka na matulog ngayong gabi.” Filipino Hospitality. Isusubo mo na lang, hihigan mo na lang, ibibigay mo pa sa bisita mo.
10. Ang pakikibagay ng Pinoy sa kahit na anong sitwasyon: Nasurbayb na natin ang 400 taon ng Kastila, ang US Bases, pamahalaang Marcos (kasama na ang Martial Law), mga lindol, lahar. Isama mo pa ang lambada, si Robin Padilla, tamagochi at cell phone. Ma-su-surbayb din natin si Cory, si Fidel, si Erap, si Gloria at kung sino-sino at ano-ano pang darating.
11. “The Filipinos are worth dying for!” - At tama si Ninoy Aquino - tunay ngang ipaglalaban mo Pinoy at ang iyong pagka-Pinoy!
12. Si Dr. Jose Rizal. Bayani, manggagamot, henyo, iskultor, manunulat, lover (o, diba?!?) at martir! (May masasabi ka pa ba?!?)
13. Makisama ka naman! Inuman, samahan, pakiki-pagdigma - number wan ang Pinoy sa Pakikisama!
14. Pinoy style - Aminin mo man o hindi, ilan ang sapatos mo? Maganda ang style ng Pinoy pero meron ding hindi masyadong maganda - plastic na takip sa mga sofa, peynting ng mga asong nagpo-poker, over-accessorized jeepneys at mga altars.
15. Marami pa - siesta, sabong, folk dance, barong tagalog, baro’t saya, kayunmangging kulay, balagtasan - lahat Pilipinong-Pilipino kaugalian.
At kung ano-ano pa!
1. 7,101 islands during low-tide and 7,100 island during high-tide. Sandamukal na beach, san laksang dami ng dagat. Palawan, Mindoro, Cebu, Boracay, Batanggas, Zamboanga, Davao, Pangasinan, kahit saan!
2. Mga artistang naglagay sa Pilipinas sa pandaigdigang mapa - Lea Salonga, Paeng Nepomuceno, Eugene Torre, Luisito Espinosa, Lydia de Vega-Mercado, Jocelyn Enriquez, Elma Muros, Onyok Velasco, Efren “Bata” Reyes, Lilia Calderon-Clemente, Loida Nicolas-Lewis, Josie Natori at marami pang iba!
3. Banaue Rice Terraces, Bohol’s Chocolate Hills, Corregidor Island, Fort Santiago, the Hundred Islands, the Las Pinas Bamboo Organ, Rizal Park, Mt. Banahaw, Mayon Volcano, Taal Volcano. Outing na tayo!
4. Paano mo raw malalaman kung banyo ng Pinoy ang napasok mo? May tabo sa tabi ng trono! Paano ka pa maglilinis ng husto? Kulang ang tissue, kailangang mag-sabon. Ang Tabo… bow!
5. Ang mga Pinay - pinaka-best friend mo, best lover, best wife. Ang Pinoy? Bolero man yan at pa-macho with matching pagkapalikero, alam na alam naman nila kung paano tratuhin ang isang babae bilang tunay na babae!
6. Ang dugong (sea cow), ang tarsius monkey, ang pandaca pygmeia, ang calamian na usa, ang Philippine Eagle, sampaguita, ilang-ilang, camia, pandan, rosal - mga bagay na sa Pilipinas mo lang makikita.
7. Vilmanian ka ba o Noranian? Hanggang ngayon yun pa rin ang pinagtatalunan - kahit na sino pa ang dumating ang umalis pagkatapos nila!
8. Paskong Pilipino - ang pinakamahabang okasyon sa buong mundo! Magmula Septyembre (pagkarinig mo ng unang kantang pamasko) hanggang Enero o minsan pagkatapos pa ng Chinese New year! Isang magandang excuse para mamili ng mga regalo para sa mga mahal (at hindi masyadong mahal pero pwede na rin) na mga tao sa buhay mo.
9. Mga fiestang tulad ng Sinulog, Ati-atihan, Moriones. Isama mo na rin ang kakaibang pag-diriwang ng Todos los Santos.
10. “Gulong ng Palad na!!!” O “Flor de Luna”, “Mula sa Puso”, “Saan ka man Narooon”, “Maala-ala mo Kaya”, “Sa Puso Ko Iingata ka”, “Pangako Sa’Yo” - istorya ng buhay ng may buhay.
Ikaw… kung Pinoy ka, hindi mo ba ikaka-pitagan ang mga ito? Ito ang mga katangiang nagpapaiba sa iyo sa buong mundo. Kaya’t tumayo ng tuwid at ulit-ulitin sa sarili “AY EM FRAWD TU BI PINOY!”


