Sobrang Tagal…

1/365 days of blogging (ulet…)

Bohol Beach Club

Ang tagal, grabe!  Tatlong buwan na hindi nag-update!  Anong karapatan na ituloy ang dating countdown ng days of blogging.  Ang kapal ko naman diba? Kaya balik tayo sa umpisa.  Count 1 ulet.

Eh bakit nga ba kasi sobrang nagbisi-bisihan?

Una, nagprepare na ng toxic sa debut ni Czarina.  Sobrang kinarir kaya.  Lahat ng decor sa mga mesa, ang backdrop ng stage, ang invitations, isama mo pa ang pag-repair ng gown.  Sobrang karir.  At sabihin pang mahigit isang taon na pin-repare, na-toxic pa rin sa huli.  Pero ang haba ng buhok namin ng nanay nya pagkatapos, kasi ang ganda ng debut ni Ina.  SOBRANG. GANDA. Yun lang.

Blood Compact Memorial

Pangalawa, wala pang ilang araw pagkatapos ng debut, fly na kami ni bossing sa ‘Pinas.  Nag-Cebu (sobrang educational!), nag-Bohol (sobrang ganda!), nag-Divisoria (sobrang miss ko!), sangkatutak na punta sa Greenhills (sobrang aliw!), sanlibong beses atang nagpunta sa Cainta para makipagkita sa mga kaklase nung high school (sobrang lasing!), sampung libong beses atang kumain ng Baliwag, Lechon Cebu, TJ’s at Crystal Jade  (ang sarappppp, grabe!!), nakipagkita sa mga kumareng barkading at ilang daang libong oras ng bonding time kasama ang syupatiders, pamangkin at lola – sa loob ng isang buwan.   Bilangin nyo yun.  Toxic pero sobrang saya ko.  Limang taon akong hindi umuwi.  Hindi nakakatawa yun, kaya hindi na dapat maulit na hindi umuuwi ng ganun katagal.  Dapat yun Mortal Sin.  Hindi na dapat gawin ulet.

Chocolate Hills

Pangatlo, wala nang pangatlo.  Yun lang talaga ang nag-okupa ng mga oras ko magmula ng huli akong nag-blog.  Kaya’t dapat lang, ibalik ko ulet sa number 1 ang bilang ko ng blogging.  Ulitan kung ulitan.

At ano ang mga naobserbahan ko sa isang buwang bakasyon na kasama si Bossing (na tatlong linggo lang ang bakasyon kaya may isang linggo ako all by myself)

1.  lahat na lang halos ng commercials na gawang pinoy puro celebrities ang endorsers magmula kay Bossing Vic hanggang kay Piolo hanggang kay Michael V.   Naisip ko na nga, gagawa ako ng listahan ng mga commercials na artista ang mga endorsers eh.  Siguro next entry…

The Sisterhood of the Logbook (4/6)

2.  mainit pa rin, pero wala nang babago pa dun.  Kung mag-snow dun magtaka pa ako.  End of the world na.

3.  aircon na ang LRT at aliw na aliw akong sumakay sa kanya.  Eh paano ang bilis eh.  Minsang nagpunta ako ng Makati ng Byernes ng naka-taxi at sobrang traffic inokray pa ako ng syupatembangs ko dahil ang tanga ko raw.  Kung nag-LRT ako hindi sana ako inabot ng isang oras papuntang Makati galing sa amin sa Cubao.  Pero hellers, kamustahin naman kaya ang damit ko pagkatapos – hahabulin na ako ng plantsa sa sobrang gusot kasi people power malamang sa LRT ng alas kwatro ng hapon.

Ang High School Friends (Kasama si Ate at Kuya)

4.  mukha nang Makati ang Greenhills, pero I love the tiangge!!  Walang makakatulad talaga.  Maliban sa Divisoria, but then again, Divi is Divi and Greenhills is Greenhills.  Apples and oranges.  At mistulang naloka ako sa sobrang quadruple class A na mga pekeng Louis Vuitton!!  Kung hindi ka marunong tumingin, mapepeke ka talaga.  Ako pa ang nahiyang dalhin ang LV ko sa Greenhills. Dahil nakaka-insecure.  Dahil pumapasok sa isip ko baka fake din ang bag ko.  Dahil orig ang LV ko.  Aruuuuuu….

5.  may McKinley Hills na na sobrang sossy.  Sa tutuo lang, bakit ba panay ang pagawa nila ng mall sa Pilipinas?  Third world pa tayo nang lagay na yan ha… Di ko macompute talaga.

High School Friends (Part 2)

6.  wala na ang Magnolia House, ang St. Paul’s College, St. Paul’s University na, ang Immaculate Conception Church sa amin, Immaculate Conception Cathedral na.  May Greenbelt 5 na.  Iba na ang itsura ng SM sa Makati, muntik na akong maligaw.  Wala na rin ang Fiest Carnival, Shopwise na sya ngayon.  May Telus na call center na sa Cubao (the same Telus na phone company ng Canada).  Di ko pinuntahan ang MOA, kasi wala naman akong bibilhin sa kanya.  At COD display twing pasko, nasa bubong na ng walkway sa Greenhills magmula Ortigas Avenue papuntang loob ng Unimart.  Ang munisipyo ng Cainta wala na sa main road ng A. Bonifacio, nasa loob na sya malapit sa Teacher’s Village.  At hindi na sya Cainta Catholic School – Cainta Catholic College na sya.

High School Friends (Part 3)

7.  lahat ng tao naka-cellphone.  May mga station pa na pwede kang mag-charge ng cellphone mo sa 7-11 kung sakaling na-low batt ka na.  Ang laki ng tiangge ng bilihan ng kung anik-anik sa cellphone sa Greenhills, naloka akong bumili ng cover ng iPhone ko.  At ang daming naka-iPad.

8.  ang Brookside Subdivision sa Cainta na kung saan kami lumaking magkakapatid, hindi mo na makikilala.  Hindi ko na halos nakita ang landmark na bahay na bilog kasi may inuman na sa harapan nito (na hindi ko alam, pag-aari pala ng mga kababata namin sa Brookside).  Ang St. Francis Subdivision na kung saan naman lumaki si Bossing, malaki na rin daw ang pinagbago.  Medyo na-sad sya kasi luma na yung bahay nila dun.

High School Friends (Part 4)

9.  masarap pa rin ang fishballs, ang squidballs, ang cuapao, ang Baliwag Lechon.  Isama mo pa ang mangga, atis, lanzones, at rambutan.  Masarap pa rin ang isda, iba pa rin ang lasa ng manok, baboy at baka – siguro kasi wala masyadong kemikal, hindi katulad ng mga karne dito.

10.  dumilim ang Aurora Blvd. Siguro kasi dahil sa LRT.  Mixed emotions ako sa LRT, malaki talaga ang tulong at pakinabang nya, pero on the other hand, ang mga daan kung saan sya tinayo, pumangit.  Kailangan ba talagang isakripisyo yun?  Nawala na nga ang Arcegas sa may amin.  Siguro nga kasi wala na ring bumibili ng bike.  Iba na ang hilig ng mga bata.  Ang Santolan kung saan bumababa para sumakay ng jeep papuntang Makati, di ko talaga malaman, hanggang ngayon, kung ano yun dati.  Nabura na ata sa memory ko yung parteng yun ng buhay ko.

San ka pa???

11.  hindi pa rin nagbabago ang itsura ng kapatid ko.  At ang gwapo pa rin ni Aga Muhlach.

Ang dami… ang daming highlights.  Hindi ko na nga nakunan ng litrato lahat ng mga bagay na nangyari sa amin.  Bigla kong narealize kulang pa ang mga litrato dahil wala pala kaming kuha ng lola ko na maganda.  Pero di bale, next year, mas maraming pictures.

At eto lang, kahit bagu-baguhin pa nila lahat, kahit bali-baligtarin, kahit mag-labo-labo na sila, eto pa rin ang mahal kong Pilipinas.  Eto pa rin ang babalik-balikan ko.  At manalo lang ako ng Lotto, babalik na kami ni Bossing sa Pinas.  Kasi tutuo, there’s no place like home…

Sa Pilipinas Lang...

Related Posts with Thumbnails

(Nakita 32106 beses ng 5366 bisitors)