Ito ako...
Dear Ate Sienna...
1
2
3
4
5
6
7
8
9
Natawa Ako Dito :)
1
2
3
4
5
6
7
8
9
Samo't-Sari
1
2
3
4
5
6
7
8
9
Nakakayamot!
1
2
3
4
5
7
8
9
My Peborit Pansit
1
2
3
4
5
6
7
8
9
Para Kay Girlie
4
5
6
7
8
9
Lumang Indeks
1
2
3
4
5
6
7
8
9
Isang hapon, hindi kami pinapasok ni Inang sa eskwela. Sa bahay lang daw kami ni Greta at magulo raw sa labas. Ako naman, wala akong keber kung ano yung sinasabi nyang gulo. Grade 2 lang ako nun, bad trip ang titser kong si Miss Ignacio kasi laging nagmumura, laging galit sa amin, pinag-iinitan pa ako. Kaya tuwang-tuwa ako na hindi ko sya makita. Nagbukas na ako ng TV at manunuod ng Sesame Street. Alam ko yun, pagkatapos ng Sesame Street, palalabas na ang Student Canteen at pagkatapos Sineng Tagalog. Nagtataka ako kasi puro cartoons ang pinalabas. Hindi ko alam kung isang channel lang yun o lahat ng channel. Hindi naman ako masyadong nagreklamo kasi marathon ng cartoons, para akong dinala sa sarili kong Disneyland. Nalito rin ako kasi pagkatapos naming manuod ng Student Canteen, madalas, pinapatulog na kami ni Inang ng tanghali. Nung araw na yun, mukhang nakalimutan ata ni Inang. Pyesta kami ni Greta!
Nagbubulungan na nun sina Inang at ang Lola Idad ko. Pati mga mananahi ni Lola Idad kasali sa kwentuhan. Parang ayaw iparinig sa akin ang mga pinag-uusapan nila kasi puro pabulong. May naririnig lang akong nag-sirena daw kagabi, marami raw military sa daan at maraming nilagay sa Crame. May narinig pa akong Aquino at Sison. Hindi ko naman alam kung sino-sino yung mga yun. Bandang hapon, lumabas si Marcos sa TV. Lahat sila nagpuntahan sa sala at nanuod. Ako, yamot kasi sinira ang cartoon-marathon ko. (Hindi ko alam, yun na pala ang simula ng maraming taon kong pagkayamot kay Marcos.)
Maya-maya, nakarinig ako sa mga mananahi ng "Sus, ginuo!" at "Paano na ngayon yan?", "Martial Law na talaga". Ha?!?!? Ano naman yun?
"Inang, sino si Marcial Lo? Bakit sya ina-anawns ni Marcos? Instik ba sya, Inang?"
Hindi ako pinansin ni Inang. Huwag raw ako maingay. Nagkakamot na ako ng ulo. "Ano ba nangyayari?", tanong ko sa sarli ko. Tapos narinig ko si Lola Idad, "Masabihan nga yang sina Dante, may curfew na pala, baka mahuli yung mga yun sa daan."
"Inang, why mahuhuli si Tyong Dante? Inannngggg.. what's Carpio?" Nakukulitan na sa akin si Inang por syur.
"Curfew, ibig sabihin hindi ka na pwedeng lumabas ng alas dose ng gabi hanggang alas kwatro ng umaga." Ang sagot ni Aling Poy, isa sa mga mananahi ni Inang. Ah... eh hindi naman ako umaalis ng gabi kasi pinapatulog na kami ni Inang pagkatapos ng Mission Impossible.
"Eh bakit, Aling Poy? Why nga?", tanong ko naman.
"Eh kasi nga, Martial Law!", sabi naman ng isa pang mananahi ni Lola Idad, si Aling Rosa. Haayyy.. babalik na naman ba ako sa tanong kung sino si Marcial? Umakyat na lang kami ni Greta at naglaro ng mga Barbie Doll namin.
Nung gabing yun, miting sila sa hapag-kainan. "O, ha," bungad ni Lola Idad, "kayo, wag na kayong lalabas ng gabi. May curfew na. Wag na wag rin kayong magsasalita ng kahit na ano tungkol kay Marcos." Nag-uusap sila nila Tyong Dante, Itang, Tyong Edong at Inang ng mga naririnig nilang mga tsismis-tsismis tungkol nga kay Marcial. Bawal na rin daw ang mahabang buhok kaya ang mga kaibigan nila Tyong Edong, nagsipagupitan ng mga hippie nilang long-hair. Kami ni Tyang Alma at Greta, nasa salas at pinapakain ng yaya. Si Ringo ayun, nasa seater at pinapadede naman ng isa pa naming yaya.
Hindi ko na matandaan kung pumasok kami ni Greta sa eskwela kinabukasan o wala pa ring kaming pasok. Pero nung nagbukas na kami ulit ng TV kinabukasan, wala na ang mga dati naming pinapanood. Wala nang Channel 5, Channel 2, Channel 13, Channel 7 o Channel 9. Nung bandang tanghali ata, nagbrodkast na ang Channel 4. Sila lang ata. News blackout daw sabi ni Itang kasi wala na ang ibang dyaryo. "Shhh..," sabi ni Inang, "wag kang maingay dyan."
Sa iskul, New Society na raw sabi ni Miss Ignacio. Ang dasal ko nun sana kunin na rin sya ni Marcial para hindi na kami laging pinapagalitan. Ang una naming subject nung umagang yun Social Studies raw. "Ha?", sabi ko sa sarili ko, "eh bukas pa yun, eh. Hindi ko dala ang Notebook no. 6 ko ng Social Studies, baka pagalitan na naman ako ni Miss Ignacio." Isulat na lang daw namin sa Notebook no. 9 namin. "Eh Assignment notebook yun," isip ko. Sige na nga.. magreklamo pa ba ako.
Proclamation 1081 daw. Martial Law. Ah hindi pala tao yun, batas pala. Kasi, sabi ni Miss Ignacio, marami na raw gulo sa bansa kaya ginawa yun ng kagalang-galang na Pangulong Marcos. Nagdaan ang mga taon, lagi pa rin akong nakakarinig ng mga taong bigla na lang nawawala ang dinadala ng militari sa Camp Aguinaldo at Camp Crame. Masasamang tao daw kasi sila dahil tumututol sila sa palakad ng gobyerno. Sa eskwela, tinuruan kami ng bagong kanta - "Bagong Silang", at kailangan kantahin namin palagi kasama ng Bayang Magiliw at Panatang Makabayan. Pinagtatanim din kami. "Green Revolution Project" daw ni Ma'am Imelda. Hindi na sinusunod ang 1935 Constitution at wala na raw ang office of the Vice President sabi ni Itang, at hindi na raw matatanggal sa katungkulan nya si Marcos. "Shhhh..", narinig ko na naman kay Inang at Lola Idad.
Unti-unti habang lumalaki ako, marami pa akong naririnig na usap-usapan. Bulungan kasi hindi pwedeng ilakas. Sumusobra na raw ang kayamanan nila Marcos. Yumayaman daw sila pero ang masang Pilipino patuloy ang paghihirap. Marami na raw napatay. Ang mga botohan sa referendum, lahat daw pandaraya. Si Ninoy hindi pinapayagang umuwi. Sabi raw ni Madam, kapag umuwi sya, hindi nya alam kung ano ang gagawin ng mga loyalista ng asawa nya Kay Ninoy pagtapak nya sa Pilipinas. Kinatatakutan nun ang militar sa pumumuno ni General Ver. Lumalakas na raw ang mga komunista. Hindi na maganda ito, kako. Pati bigas tumataas ang presyo, hindi pa magandang klase, sabi naman ng Lolo Tuding ko.
Sa takot daw ni Marcos na mawala sa graces ng Santo Papa sa Roma, at para mabigyan daw sya ng implicit endorsement ng Roman Catholic Church sa kanyang gobyerno, inangat na ni Marcos ang Martial law nung January 17, 1981. Pero lahat ng decrees nya at mga presidential orders tuloy pa rin. Nung 1981, Totus Tuus, bumisita si Pope John Paul II sa Pilipinas. Nagdeklara ng eleksyon si Marcos nung June 16, 1981 na hayagang binoykot ng oposisyon, anim na taon na naman ang termino ng kagalang-galang na pangulo. Nasa kolehiyo na ako nito.
Taong 1983, Augusto beynte-uno, lumapag ang eroplanong sinasakyan ni Benigno Aquino sa Manila International Airport. Hindi pa man din sya nakakatuntong ng lupa, binaril na sya sa batok ng mga military aide ni Marcos. Patay na sya bago pa mandin umabot ng tarmac.
Dito nagsimula ang bagong kasaysayan sa libro ng mga Pilipino...